866 total views
Kapanalig, sa ating bansa, kaunti lamang ang mataas ang kamalayan ukol sa mga kooperatiba. Ano ba ito at ano ba ang kontribusyon nito sa ating lipunan?
Ang kooperatiba ay asosayon ng mga mga indibidwal na may nagkakaisang interes. Sila ay boluntaryong nagsama-sama upang maabot ang napagkasunduang mga panlipunan at ekonomikong layunin. Ang mga indibidwal na ito ay nagbahagi ng kanilang pantay-pantay na kontribusyon para sa kapital at sama samang humaharap sa mga banta o risks. Sama sama rin nilang matatamasa ang mga benepisyo ng kanilang gawain o negosyong pinapaktabo.
Sa ating bansa, kapanalig, tinatayang may 24,652 na kooperatiba na registered sa Cooperative Development Authority (CDA) noong 2014. Ang Region 4 ang may pinakamataas na bilang ng mga narehistrong kooperatiba noong 2014, kung saan umaabot ito sa 2,987. 60.49% ng mga kooperatiba sa bansa, ayon sa datos ng CDA, ay mga multi-purpose. Tinatayang umaabot sa PhP248,539,541,100 ang kabuuang assets ng mga kooperatiba sa bansa. Mahigit pa sa 290,000 ang trabahong nalikha ng sektor na ito base sa 2014 datos ng CDA.
Ang kooperatiba, kapanalig, ay mahalagang instrumento ng pagkakaisa at lakas ng mga maralitang Pilipino. Kapag pinagsama ang lakas at boses ng maralita sa organisado at demokratikong paraan, nagkakaroon sila ng mas malaking oportunidad upang sabay sabay makahango sa kahirapan. Dinadagdan nito hindi lamang income ng mamamayan, kundi ang kanilang kaalaman at kasanayan.
Mainam sana na ma-maximize ang bentahe ng kooperatiba sa ating bansa, lalo na’t bagay ito sa ating kulturang “bayanihan.” Mas matingkad ang pangangailangan nito ngayon, lalo pa’t panahon na ng globalisasyon at integrasyon. Ang nag-iisang maralitang Pilipino ay hindi maririnig sa gitna ng ingay ng modernisasyon, ngunit kung organisado at sama-sama, mas malaki ang pagkakataon na makipag-kompetensya sa iba ibang merkado ang Pilipino.
Ang pamahalaan, lalo na ang ating mga mambabatas ay malaki ang mai-a-ambag sa pagsulong ng sektor na ito. Sa ngayon, may mga isyung pampolisiya gaya ng pagbubuwis, pagbibigay lisensya, at mga permits na hindi klaro para sa ordinaryong mamamayan. Paano pa ba natin magagawang mas “conducive” ang ating policy climate para sa mga kooperatiba?
Ang pagbibigay ng sapat na atensyon sa kabutihan ng kooperatiba ay pagbibigay buhay sa esensya ng komunidad at nagsasabuhay din ng prinsipyo ng common good, na sinusulong ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Ang Mater et Magistra ay may paalala sa atin ukol sa ugnayan ng common good, public authority, at mga asosasyon gaya ng mga kooperatiba: “A sane view of the common good must be present and operative in men invested with public authority. They must take account of all those social conditions which favor the full development of humanity. It is also vital that the numerous intermediary bodies and corporate enterprises… be really autonomous, and loyally collaborate in pursuit of their own specific interests and those of the common good.”