683 total views
Nagsisilbing paraan ang kooperatiba sa sama-samang umunlad ng miyembro at makapamuhay ng may dignidad.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT Pascual – Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President sa paggunita ng International Day of Cooperatives.
Ayon sa Pari, mula sa pinagsama-samang yaman ng mga miyembro ng isang kooperatiba na pinapahiram, pinapaikot at pinapalago ay nagkaroon ng pagkakataon ang bawat miyembro na makapagtayo ng sariling negosyo.
“Pero ang bottom-line nito ang kooperatiba ay lumilikha ng yaman para umunlad ang pamayanan sa kanilang pangangailangang ekonomiya at malakas ang maitutulong ng kooperatiba sa kalagayan ng kahirapan sa ating bansa sapagkat hindi siya dole-out talagang developmental, transformational at sustainable ang values and principles ng kooperatiba,” ayon pa sa mensahe pa ni Fr. Pascual, chairman ng Union of Metro Manila Cooperatives (UMMC).
Hinihikayat din ni Fr. Pascual ang pakikibahagi ng bawat isa sa pagsapi sa kooperatiba upang mapalago at kumita ang saping puhunan upang makaahon ang mga pinakamahihirap na pamayanan.
Sa tala, may isang bilyong katao ang miyembro ng kooperatiba sa buong mundo habang sa Pilipinas ay may 11 milyong kasapi.
Sa datos naman ng Cooperative Development Authority (CDA) sa taong 2020, aabot sa 11.5-milyong Pilipino ang miyembro ng mahigit 11-libo ang mga kooperatiba sa buong bansa.
Sa paggunita ng International Day of Cooperatives ay itinuon ng UN ngayong taon sa pagkakaroon ng mas pinalawig na diyalogo, pagkakaisa at tiwala tungo sa sama-samang pag-unlad.