1,400 total views
Naniniwala ang Cooperative Development Authority na malaki ang maitutulong ng mga kooperatiba sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay CDA Chairman Usec. Joseph Encabo, higit na kinakailangan lamang ang wastong edukasyon at pagbahagi ng kaalaman hinggil sa kooperatiba upang mahimok ang mamamayan na magtatag ng kooperatiba sa kapakinabangan ng bawat kasapi.
“If every Filipino people would have this shared interest, the common interest to uplift and figth this particular extraordinary times, I believe the formation of cooperative could be one of the key answers in fighting this ordeals and trials in economic situation,” bahagi ng pahayag ni Encabo sa Radio Veritas.
Batid ng opisyal ang labis na kahirapang dulot ng COVID-19 pandemic na nagpahina sa pangkabuuang ekonomiya bunsod ng pagsasara ng ilang negosyo dahil sa pagkalugi.
Iginiit ni Encabo na ito ang wastong pagkakataon na magsama-sama ang mamamayan sa pagbuo ng kooperatiba upang magtulungang palaguin ang bawat kontribusyon sa pagpapatupad ng mga programa tungo sa maunlad na pamumuhay ng bawat indibidwal.
“This is an opportune time for every Filipino people to be in convergence and opportunity to form a cooperative and pull the resources together; to come up with a very sound livelihood program for them, because the essence of building a cooperative is to allow every individual to be a co-owner of the programs, plans and livelihood activities that they are engaging with,” saad pa ng opisyal.
Noong Hunyo 30, 2021 nagbigay ng pag-uulat si Encabo sa kanyang unang 100 araw na pamumuno sa CDA kung saan nakapaglunsad ito ng iba’t ibang programa sa ikauunlad ng mga kooperatiba.
Kabilang sa mga naisakatuparan sa loob ng 100 araw ang pagpapalawig sa bisa ng Certificates of Compliance, panuntunan sa paggamit ng mga kooperatiba sa Community Develoment Fund para sa social services, at pagpapabilis sa proseso ng pagpaparehistro ng mga kooperatiba.
Sinimulan din ni Encabo ang ‘Byaheng Koop Program’ kung saan umiikot ang opisyal sa ilang rehiyon sa bansa at bumisita sa iba’t ibang kooperatiba upang alamin ang kanilang kalagayan at sitwasyon sa gitna ng naranasang pandemya.
Tiniyak pinuno ng CDA ang pagpapatuloy sa mga gawaing pagpapaunlad sa sektor ng kooperatiba upang makatulong sa dagliang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Nakipagtulungan na rin ang CDA sa mga ahensya ng gobyerno sa pagpatupad ng mga programang tututok sa kabuhayan ng mamamayan lalo na sa sektor ng agrikultura.
Una nang pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga kooperatiba sa isang pagpupulong sa Italya dahil sa malaking ambag nito sa paglago ng kabuhayan ng bawat miyembro nito.