1,693 total views
Maraming magagandang puntos ang nakaraang SONA ng Pangulong Marcos Jr.. Kaya lamang, kapansin-pansin na hindi niya nabanggit ang korapsyon. Malaking pagkukulang ito, lalo pa’t said na said ang kaban ng bayan ngayon, at said na said din ang lukbutan ng maraming mga Filipino.
Kapanalig, napakahirap pilitin na magbayad ng buwis o taasan pa ang pinapataw na buwis, o dagdagan pa ito kung damang dama naman ng mga Filipino ang korapsyon sa maraming ahensya ng ating bayan. Ilang isyu ng korapsyon ang ipinaratang sa nagdaang administrasyon. Andyan ang pastillas scam sa Bureau of Customs, ang Pharmally case, pati ang PhilHealth scam. Hanggang ngayon, wala pa ring nababawi o tunay na nasasakdal mula sa mga corruption scandals na ito. Malaking halaga ang kaugnay ng mga isyu na ito, pera sana na mailalaan para sa mga programang makakatulong sa maraming Filipinong naghihirap dahil sa epekto ng pandemya.
Kaya’t hindi na nakakapagtaka na noong 2020 at 2021, pang 115th at 117th sa 180 na bansa ang ranggo ng Pilipinas sa Corruption Perception Index. Kapanalig, kung tunay nating nais na maiangat ang ekonomiya ng bansa, kailangan natin mawaksi ang korapsyon. Kailangan isa ito sa mga prayoridad ng pamahalaan.
Ang pagpuksa ng korapsyon sa bayan ay nagpapataas ng investor confidence sa ating bayan. Kapag malinis ang ating pamamahala, mas marami sa atin ang magtitiwala. Mas matutulungan nito makabangon ang ating ekonomiya mula sa recession. Mas maraming mga trabaho ang mailalaan para sa mga Filipino kung maibabalik natin ang tiwala ng mga mamumuhunan sa bayan.
Sa pagtanggal ng korapsyon sa bansa, hindi tayo dapat mapako sa mga personalidad. Kailangan din natin suriin ang mga sistema at praktis na nagtutulak ng korapsyon sa ating mga ahensya at transaksyon. Kailangan natin ng mas matatag na institusyon na karapatdapat o deserving sa tiwala ng mamamayan. At sa puntong ito, walang roadmap ang pamahalaan. Ano ba ang gagawin ng kasalukuyang administrasyon upang mabalik ang tiwala ng mamamayan sa mga pinuno at institusyon ng bayan? Ano ang gagawin nito upang matanggal ang bahid ng korapsyon sa ating pamahalaan?
Ang pagsugpo ng korapsyon ay testamento ng commitment ng pamahalaan para sa tunay na panlipunang katarungan. Ang pagtugon sa korapsyon ay isang moral test sa ating pamahalaan. Ayon nga sa Rerum Novarum: Among the many and grave duties of rulers who would do their best for the people, the first and chief is to act with strict justice toward each and every class alike.
Sumainyo ang Katotohanan.