846 total views
Marami ang naniniwala na ang korapsyon ay mahirap na tanggalin sa sistema ng pamamahala ng ating bayan. Tuwing eleksyon nga, marami ang nagsasabi na lahat naman ng mga pulitika ay mga korap, kaya’t wala sa kanila ang dapat magmalinis. Kaya nga’t sa halip na katapatan ang isa sa mga values na ating pinahalagahan nitong nakaraang presidential elections, ang naging sentro ay mga pang-iinsulto gaya ng lutang, madumb, o bobo. Tila nakalimutan natin tingnan ang integridad ng mga kandidato. Tanggap na ba natin ang korapsyon sa ating mga pinuno? Wala na bang dating sa atin ang salitang ito?
Kapanalig, ang korapsyon ay nagpapahirap sa mga Filipino. Sa katunayan, ngayong panahon ng kagipitan sa ating bayan kung kailan sumisirit ang inflation at tumataas ang pambansang utang, dapat nating mas binabantayan ang korapsyon. Para itong mga mga kamay na dahang-dahang sumasakal sa leeg ng karaniwang Filipino.
Isa sa mga epekto ng korapsyon na nagdadala ng chain reaction sa ating lipunan ay ang impact nito sa mga negosyo sa bayan. Sinisira nito ang efficiency ng business operations at nilalantad nito ang mga negosyo sa iba ibang risk, gaya ng extortion. Isang halimbawa ay ang simple at dapat mas murang pagkuha ng mga permit ay mas tumataas ang halaga dahil sa mga under-the-table negotiations. Ang korapsyon ay nagdudulot din ng unfair competition sa mga industriya.
Ayon nga sa isang pag-aaral, ang bribery at korapsyon ang pangalawa sa pinaka- disruptive na krimeng pang-ekonomiya sa ating bansa. Dahil dito, marami ang nanakawan ng business opportunities. Sa 2021 Bribery Risk Matrix nasa rank 119 sa 152 countries ang ating bansa. Nasa medium risk lang ang ranggong ito, pero kapanalig, malayo pa rin kumpara sa iba nating karatig bansa gaya ng Taiwan na pang-15th, Singapore 19th, Malaysia 65th, Thailand na nasa 86th at Indonesia na nasa 87th.
Kapanalig, kailangan nating labanan ang korapsyon. Kailangan nating magalit muli sa mga insidente ng korapsyon. Hindi natin dapat ito tinatanggap na way of life sa ating bayan. Ang mga anomalya sa pamamahala, ang pandaraya, panlilinlang, extortion, at pandarambong ay mga lason sa mga negosyo, sa ekonomiya ng bansa, sa ating lipunan. Ito ay mali at kahit kailan hindi magiging tama.
Pina-alalahanan tayo ni Pope Francis noong siya ay bumisita sa ating bayan noong 2015: Reject every form of corruption… it is now, more than ever, necessary that political leaders be outstanding for honesty, integrity, and commitment to the common good.
Sumainyo ang Katotohanan.