466 total views
Kumpiyansa si Department of Education (DepEd) Undersecretary for Planning and Operations Jesus Mateo na mahahasa ang pagiging multi-lingual ng mga mag-aaral sa pagkakadagdag ng Korean language sa curriculum ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Inihayag ni Mateo na bahagi lamang ang Korean subject sa Special Program in Foreign Language (SPFL) na ipinagkakaloob ng kagawaran na siyang maghahanda sa mga magsisipagtapos na estudyante na magtatrabaho sa ibang mga bansa.
“Yung Korean offering is part of the Special Program in Foreign Language kasi dati mayroon na tayong Spanish program, French, German, Japanese, and Chinese, gusto natin ang mga bata will take not only English but other languages as well. Ang purpose nito yung mga estudyante natin ay mayroong option to speak different languages other than English or Filipino,” pahayag ni Mateo.
Idinagdag ni Mateo na maraming Filipino ang nagtutungo sa South Korea kada taon at malaking tulong kung matutunan ng mga kabataan ang wika ng mga Koreano na magagamit nila sa hinaharap.
Kaugnay nito, inihayag ng Department of Tourism na nananatili ang South Korea bilang top tourist market ng Pilipinas kung saan 24.72-porsiyento sa kabuuang 5.9-milyong turistang bumisita sa bansa noong 2016 ay Korean nationals.
Sa kasalukuyan ay bahagi na ng curriculum ng mga piling paaralan sa National Capital Region ang Korean language bilang elective subject habang pinag-aaralan pa DepEd ang pagbibigay ng pagsasanay sa karagdagang mga guro na siyang magtuturo ng nasabing lengwahe.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco na mas mahalagang pag-aralan at pakinggan ang wika ng Espiritu Santo na siyang gumagabay sa simbahan at nagbibigay ng pag-asa sa sangkatauhan.