239 total views
Kapanalig, naniniwala ba kayo na ang korupsyon ay nakadikit na sa ating pagkatao at hindi na ito matatanggal sa ating lipunan?
Maraming mga Pilipino ang nawawalan na ng pag-asa sa korupsyon na nangyayari sa ating paligid. Sa ngayon nga, base sa Corruption Index ng Transparency International, pang 115 ang ranggo natin sa 185 countries, at sa posibleng score na 100, 34 lamang ang nakuha natin. 113 ang ranggo natin noong 2019, at 99 noong 2018. Malayo ang binagsak natin sa loob ng tatlong taon.
Mas masakit ang korupsyon ngayon, kapanalig, dahil kahit na sa gitna ng napakahabang pandemya, marami pa rin sa paligid natin ang namiling mangloko ng kapwa. Ang nakakalungkot, wala man lang nahuling big-time na mandarambong, at wala ding nakasuhan sa mga malalaking isyu ng korupsyon sa ating bansa ngayon.
Isa sa mga dahilan kung bakit naglilipana ang korupsyon sa bayan ay ang kawalan o absence ng check and balance sa ating lipunan. Kung hindi ninyo napapansin, kapanalig, wala na masyadong whistleblowers sa paligid natin, o mga matatapang na mamamayan na handang magsiwalat ng korupsyon sa kanyang hanay.
Nawalan na rin ng boses ang civil society, na dati ay namamayagpag. Matumal na ngayon ang mga grupong nagsisiwalat ng mga hinaing ng lipunan o nagbibigay boses sa mga aspirasyon ng mamamayan. Bawas na ang boses ng prinsipyo sa ating kapaligiran. Sa pagtahimik, kapanalig, ng mga dissenting voices sa ating paligid, natabunan na rin ang integridad ng ating lipunan.
Hindi natin masisisi ang pananahimik ng marami sa ating hanay. Noong tinatag ang mga community pantries, sa halip na sumaya ang lipunan dahil mababawasan na ang gutom, hindi ba’t pinagbintangan pa ang mga ordinaryong mamamayang nagtaguyod nito bilang mga NPA? Hindi ba’t nakatanggap sila ng death at rape threats? Kung magrereklamo pa sila ng korupsyon, ano pa kaya ang maaring gawin sa kanila?
Bilang bahagi ng Simbahan, ayon sa Justicia in Mundo, obligasyon nating ihayag ang katarungan, at ang mga insidente ng inhustisya o kawalan ng katarungan sa ating lipunan. Bahagi ito ng ating misyon sa pagbibigay saksi sa pag-ibig at katarungang tinuturo sa atin ng Ebanghelyo.
Hangga’t binubusalan ang mga mamamayan, lalong kakalat ang korupsyon sa ating lipunan. Hangga’t hindi tayo makakapag-bahagi ng mga nakikita nating pandaraya sa lipunan, tuluyang mabubulok ang ating moralidad. Upang mabawasan ang korupsyon, kailangang maisakapangyarihan ang mamamayan upang siya mismo ang mag-demand o humingi ng accountability mula sa kinauukulan.
Sumainyo ang Katotohanan.