299 total views
Tiniyak ni Father Feliz Warli Salise, Social Action Director ng Diocese of Tagbilaran na hindi pa maituturing na katulad sa isla ng Boracay ang suliranin sa basura ng isla ng Panglao sa Bohol.
Ayon sa pari, bagamat marami ba ring establisyimento sa Panglao ay hindi naman ito kasing dami ng mga commercial buildings sa Boracay na nasa mismong baybay dagat o tabing-dagat.
Sinabi ni Father Salise na bagamat mayroong findings nang pagkakaroon ng coliform sa tubig dagat ng Panglao ay aktibo naman ang Local Government Units upang masunod ng mamamayan ang proper waste segregation, composting at recycling.
“Yung ina-advocate natin dito ay nagsupport din tayo sa ginagawa ng gobyerno na segregation of wastes na kung maaari ay may mga basurahan, sa bahay mismo.” Pahayag ni Father Salise sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Father Salise na halos hindi naman nakaapekto ang banta ni pangulong Rodrigo Duterte na maaari ring ipasara ang Panglao Island.
Paliwanag ng Pari, marami pa rin ang mga turistang dumadagsa sa lalawigan ng Bohol kung saan nais ng ilan na makita kung tunay ang mga balitang marumi na ang isla at dapat nang ipasara.
“As of now dumadami talaga [ang tourists], let’s say 30 trips per day yung mga fastcat at may mga slow boats pa na puno ng mga turista at may mga flights pa, kaya isa din yun sa talagang tinitingnan natin dahil parang sumusunod ito sa Boracay dahil maraming pumupunta dito at kinukumusta yung mga dumi mga basura kung may ginawa ba ang NGO sa mga dumi at basura dito.” Pahayag ng Pari.
Gayunman, kinumpirma ni Father Salise na kung tuluyang mapababayaan ang Panglao at hindi isasaayos ng ilang mga hotel at resorts ang kanilang waste disposal ay hindi malayong matuluyan ang pagpapasara dito.
“Ang problema siguro from the resorts, from the hotel baka walang mabuting sewerage at yung iba hindi sumusunod at yun ang nakakadagdag sa content ng coliform sa dagat na pinaliliguan ng mga bisita dito.” Dagdag pa ni Father Salise.
Nitong nakaraang linggo inilabas ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau ang listahan ng 81 resorts and hotels na binigyan ng Notice of Violation, ilan sa mga ito ang natukoy na expired na ang permit subalit patuloy pa rin sa operasyon.
Kaugnay nito, binibigyan naman ng DENR-EMB ang mga naturang establisyimento ng 3-buwan upang magsagawa ng corrective measures.
Hinihingi ng ahensya ang tulong ng Lokal na Pamahalaan sa Panglao upang ipatupad ang kautusan sa 81-establishment na kabilang sa listahan.
Ayon sa DENR-EMB ang makukuhang ulat mula dito ay ihahatid kay DENR Secretary Cimatu at iuulat kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Naniniwala naman ang Diocese of Tagbilaran na maaaring maisalba ang malaparaisong isla ng Panglao kung magtutulungan ang mamamayan, pamahalaan at pribadong sektor sa pagpapanatili ng kalinisan sa isla.