309 total views
Mga Kapanalig, isang buwan matapos ang COP26 o ang United Nations Climate Summit, anu-ano ba ang dapat gagawin ng mga pamahalaan upang aksyunan ang climate change at ang pangalagaan ang kinabukasan ng mga bata?
Sa unang pagkakataon, naglabas ang United Nations Children’s Fund (o UNICEF) ng isang ulat na naghahanay sa mga bansa batay sa pagiging lantad ng mga ito sa climate change at sa kakayanan ng mga batang makamit ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Tinawag itong Children’s Climate Risk Index. Ayon sa ulat na inilabas noong Agosto, pang-31 ang Pilipinas sa mga bansa kung saan lantad na nga ang mga bata sa mga epekto ng climate change, lubhang mahirap pa ang kanilang pagkamit ng mga basic services. Dito sa Pilipinas, maliban sa kasama sa mga mga biktima ang mga bata ng madalas na pagbaha at mga bagyo, ang hindi sapat na pamumuhunan sa mga social services katulad ng kalusugan at nutrisyon ay nakakaapekto sa pagtiyak sa maayos na kinabukasan ng mga bata.
Halos isang bilyong bata sa buong mundo ang nakatira sa mga extremely high-risk na mga bansa. Kung susumahin, isa sa bawat tatlong bata ang nakatira sa mga lugar na lantad sa apat sa mga bantang ito: pagbaha, bagyo, mga sakit, polusyon dulot ng lead, heatwave o matinding tag-init, kawalan ng tubig, at polusyon sa hangin. Gayunman, ang mga bansang kanilang pinanggalingan ay hindi naman ang mga pangunahing pinagmumulan ng carbon emissions na sanhi ng climate change. Siyam na porsyento lamang ng carbon emissions ang nanggaling sa 33 extremely high-risk na bansa. Ang ibig sabihin nito, ang mga bansang may napakaliit na kontribusyon sa carbon emissions ang nakararanas ng matitinding epekto ng climate change, at kabilang ang mga musmos sa mga nagdurusa at naghihirap.
Ang krisis pangkalikasan ay krisis ng kabataan sapagkat sila ang magmamana ng mundong matagal na nating inaabuso at ngayon ay pilit na isinasalba. Ngunit katulad ng sinabi ni Greta Thunberg, isang environmental activist na kumakatawan sa kabataan, kulang na kulang pa ang ginagawa ng mga bansa upang tugunan ang climate crisis at ang kawalan ng katarungang pinaiigting nito. Aniya, kung seryoso ang mga pamahalaan, kinakailangang mangako at, ang mas mahalaga, kumilos ang mga ito upang bawasan nang tuluyan ang carbon emissions. Ang mga mayayamang bansang umunlad dahil sa pagsira nila sa kalikasan ay may tungkuling bigyan ng pondo ang mahihirap at vulnerable na mga bansa upang mapalakas ang kanilang kakayanang tumugon sa mga epekto ng climate change at umangkop sa mga pagbabagong dulot nito katulad ng mas malalakas na bagyo at pagtaas ng tubig sa karagatan. Kung tutuparin ng mga pamahalaan ang tungkuling ito, magagawa nating mabigyan ng maayos na kinabukasan ang ating kabataan.
Ganito rin ang sinasabi ni Pope Francis—radikal at kongkretong hakbang ang kailangan upang bigyan ng pag-asa ang mga bata. Makakamit ito kung magkakaroon tayo ng sama-samang responsibilidad at pagkakaisa o solidarity upang pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan, ang ating common home. Sabi pa ng Santo Papa sa kanyang encyclical na Laudato Si’, ang climate change ay pandaigdigang suliraning humahamon sa ating pagkatao sapagkat nagdudulot ito ng kawalang katiyakan sa kinabukasan ng mga pamilya at ng mga bata. Kung hindi natin ito aaksyunan, para na rin nating kinakalimutan ang ating pananagutan sa isa’t isa, lalo na sa mga bata.
Mga Kapanalig, sinabi sa atin ng Diyos sa Mga Bilang 35:34, “huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan.” Pinapaalala sa atin na ang mundong ito ay kailangan nating pangalagaan at hindi abusuhin. Kailangan nating makitang ang krisis na ating nararanasan ay hindi lamang krisis sa ngayon kundi krisis rin ng mga henerasyong susunod sa atin.