2,103 total views
Mga Kapanalig, lahat naman siguro sa atin ay sasang-ayong ang mahusay na edukasyon ang pinakamahalagang paraan upang umunlad tayo bilang mga indibidwal at bilang bayan. Ngunit kumusta nga ba ang sitwasyon ng ating edukasyon lalo pa’t kakaibang paraan ng pagtuturo at pag-aaral ang ginagawa ngayon dahil sa pandemya.
Bago pa man ang pandemya, may mga palatandaan nang nagpapakitang malaki ang kakulangan ng ating mga mag-aaral sa kanilang natututunan sa paaralan. Sa isang pandaigdigang pag-aaral na isinagawa noong 2018, pinakahuli ang Pilipinas sa 79 na bansa sa kakayahan ng mga mag-aaral na labinlimang taong gulang sa pag-unawa, pagsusuri, pagninilay, at paggamit ng kanilang nababasa. Ang makabuluhang pagbabasa ay hindi lamang na nakababasa ang mga bata ng mga salita at pangungusap kundi kanilang nauunawaan at nagagamit ang nakuhang kaisipan at kaalaman para sa kanilang mga mithiin sa buhay at upang makilahok sa komunidad at lipunan. Dito ay maliwanag na bagsak ang ating grado.
Sa math at science, mababa rin ang naging ranggo ng Pilipinas, ‘di nalalayo sa ranggo sa reading comprehension. Ang pinapahiwatig nito ay ang malungkot na katotohanang marami sa ating mga kabataan ay lalakíng kulang sa mga kakayahang kinakailangan upang mapaunlad ang kanilang sarili, maunawaan ang mga nagaganap sa kanilang paligid, kasama na rito ang mga patakaran at programa ng pamahalaang may epekto sa kanilang buhay.
Napalalâ pa ang sitwasyong ito ng pandemya. Ayon sa isang senador, base sa datos ng DepEd, mahigit dalawang milyong mag-aaral ang hindi nakapagtuloy ng pag-aaral dahil sa pandemya. Ayon naman sa ulat ng isang pribadong organisasyon, tatlo sa bawat apat na pampublikong paaralan ay walang internet upang makasabay sa blended o distance learning na paraan ng pagtuturo. Sabi nga ni Bise Presidente Leni Robredo, marahil ay dapat natin kilalaning mayroon tayong krisis sa edukasyon. Kung wasto nating kinikilalang mayroon tayong kakulangan at problema, ito ay ang unang hakbang sa paghanap ng solusyon. Kapag tayo ay nagiging bulag sa ating mga kakulangan, tayo ay magiging kampante at hindi magpupursige na pagbutihin ang ating ginagawa.
Kung mayroon mang dapat pagtuunan ang huling taon ng administrasyon ni Pangulong Duterte, marahil ay wala nang mas mahalaga pa kaysa ang pagsisiguro na ang mga mag-aaral, lalo na ang mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan, ay naaalalayan at nabibigyan ng sapat na tulong upang makagamit ng teknolohiyang kinakailangan sa kanilang pag-aaral. Sa kasalukuyang panahon ng pandemya, madalas nating pinag-uusapan ang kahalagahan ng siyensiya at ang magdesisyon batay sa siyentipikong pag-iisip. Kapag kulang ang mga mamamayan ng ganitong kakayahan, hindi sila nakapagpapasya para sa kanilang sarili, at hindi nila alam timbangin kung ang mga desisyon ng mga namumuno sa kanila ay wasto o mali. Ito kaya ang nais ng ating mga namumuno—na ang mga tao ay sumunod na lamang at hindi makapag-isip para sa kanilang sarili? Hindi naman sana.
Sa darating na halalan, sinasabi nating dapat maging mapanuri ang mga botante. Paano sila magsusuri kung kulang ang kanilang ang kakayahang umunawa, maghanap ng impormasyon, at magtimbang sa mga ito. Paano sila magpapasya nang tama?
Ang ating Simbahan ay binibigyan ng napakabigat na halaga ang edukasyon bilang karapatan ng bawat tao dahil sa dignidad nito at upang matamo ang kabutihan ng lipunan kung saan siya ay inaasahang mag-ambag. Sinasabi sa Gravissimum Educationis na dapat sinasanay ang kabataan upang makibahagi sa buhay-panlipunan, maging aktibo sa mga samahang pangkomunidad, makipagdiskurso sa kanilang kapwa, at gawin ang kanilang makakaya upang maisulong ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 4:7-8, “Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito’y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal. Karununga’y pahalagahan at ika’y kanyang itataas, bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.”