635 total views
Iginiit ng Agham-Advocates of Science and Technology na hindi matutugunan ng Bataan Nuclear Power Plant ang krisis sa enerhiya at mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa pahayag ng Agham, ang nararanasang krisis sa enerhiya ng bansa ay resulta ng “liberalized policy” na ipinatupad noong dekada ’90 na nagbigay-daan sa pagsasapribado ng mga pasilidad ng enerhiya, hindi matatag na suplay ng kuryente at nagpataas sa halaga nito.
“The 621-megawatt nuclear plant will not resolve the aforementioned problems but will further aggravate it,” ayon sa Agham.
Tinukoy ng grupo na ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na pinahihintulutan ang mga pribadong korporasyon na bumuo at magpatakbo ng mga power facility.
Pinahihintulutan din ng batas ang mga kumpanyang bawiin ang kanilang kapital at makakuha ng malaking kita sa paniningil sa mga konsyumer.
Pinangangambahan ng Agham na maaari itong mangyari sakaling matuloy ang rehabilitasyon ng BNPP.
“It will be an additional burden to consumers as all the prerequisite costs to operate the plant, such as nuclear tax, recommissioning and waste disposal costs, would be passed on charges,” saad ng Agham.
Napag-alaman naman sa feasibility study ng Korea Electric Power Corporation na ang rehabilitasyon sa BNPP ay gagastos ng humigit-kumulang $1-bilyon sa loob ng apat hanggang limang taon.
Base sa record, umaabot sa 2.1-bilyong dolyar ang nagastos ng rehimeng Marcos noong 1984 sa pagpapagawa ng hindi napakinabangang BNPP na binayaran mula sa buwis ng mamamayang Pilipino.
Nanindigan naman ang Agham na ang kasalukuyang suplay ng kuryente sa bansa ay sasapat pa hanggang sa mga susunod na taon.
“In 2020, the country has an installed capacity of 26,250 megawatts (MW) with a dependable capacity of 23,410 MW, while the peak demand is just 15,282 MW in the same period. We have more than enough in the coming years,” saad ng grupo.
Naniniwala ang Agham na marami pang maaaring pagkunan ng enerhiya sa bansa na ligtas, abot-kaya, at maaasahan upang matugunan ang inaasahang pangangailangan sa kuryente ng bansa.
“We should give more weight to the safety of our people and the environment, and its social and economic viability,” giit ng Agham.
Suportado naman ng Simbahan ang panawagan ng mga makakalikasang grupo na itigil na ang pamumuhunan sa maruming enerhiya at sa halip ay paglaanan ng pondo ang renewable energy na matipid, malinis at ligtas para sa kalikasan at mga tao.