196 total views
Ang krisis ng bansa ay dahil sa pagkakahiwalay ng loob sa katotohanan.
Ito ang mensahe ni Fr. Albert Alejo SJ sa kaniyang pagninilay sa temang Kapwa and Loob: The Filipino Concept of Communion and Solidarity, sa pagpapatuloy ng 3-day 4th Philippine Conference on New Evangelization na isinasagawa sa Quadricentennial Pavilion ng University of Santo Tomas simula July 28-30.
Ayon kay Fr. Alejo, hindi dapat inihihiwalay ang kalooban sa kapwa maging ano man ito sa lipunan dahil ang lahat ay may damdamin na nangangailangan ng pagtanggap at pag-unawa.
Giit ng pari, dapat ating makita sa bawat isa ang ugnayan, bilang iisang mga nilalang na matatagpuan sa ating kalooban.
“Palalilimin po natin ang ating kalooban sa mga tao. Dahil ang lahat ay maaring magbago,” ayon kay Fr. Alejo.
Iniugnay din ng pari ang mga pangyayari hinggil sa mga ulat na pagpaslang sa mga taong pinaghihinalaang may kaugnayan sa illegal na droga.
Hinikayat din ng pari ang bawat isa para sa paglilinis ng kalooban at makilala ang katotohanan dahil na rin sa pagkalat ng mga false news at paglikha ng fake news lalu na sa social media.
Paliwanag ng pari, dapat bigyang pagpapahalaga ang salita at wika dahil ito ang tulay sa pakikipag-ugnayan.
“Ang tunay na pagpapahalaga ng loob ay mula sa totoo at tamang paggamit ng salita. Hindi pwedeng idevelop ang ispiritwalidad at kapwa kung balasubas tayo sa paggamit ng salita,” ayon kay Fr. Alejo
Hangad din ni Fr. Alejo ang pagkakaron ng pambansang paghingi ng patawad, pagbabagong loob para sa lahat ng nakagawa ng pananakit ng loob sa kaniyang kapwa.
Si Fr. Alejo ay author at theologian mula sa Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University.