1,734 total views
Mga Kapanalig, sa tinatawag na “Duterte Legacy Summit” na ginaganap noong katapusan ng Mayo, ipinagmalaki ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na napabuti ng gobyerno ang transportasyon sa bansa at naging maginhawa ang pagbibiyahe ng mga Pilipino sa nakalipas na anim na taon. Daan-daang paliparan at pantalan ang naipaayos at naipatayo. Kilu-kilometrong riles ng tren ang kasalukuyang tinatapos. At marami pang proyekto ang nakalinya at malapit nang simulan. Hindi man daw nasolusyunan ng kagawaran ang lahat ng problema natin sa transportasyon, tanggapin daw nating marami itong nagawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ngunit tila pikit-mata ang ating pamahalaan sa araw-araw na kalbaryo ng mga ordinaryong mananakay dito sa Metro Manila, kung saan tinatayang 12 milyong mananakay ang dumadaan sa mga lansangan nito bawat araw. Ipinagmamalaki ng DOTr ang libreng sakay sa MRT hanggang sa katapusan ng buwang ito, pero ilang oras ang hinihintay sa pila ng mga pasahero, oras na sana ay nagamit na nila sa mas produktibong gawain o pagpapahinga. Ganito rin ang dinaranas ng mga gumagamit ng EDSA bus carousel na magbibigay din ng libreng sakay hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Gaya ng inaasahan, maraming mananakay ang natutuwa sa libreng sakay sa MRT, mga bus sa EDSA, at iba pang pampublikong saksakyan katulad ng mga de-aircon na dyip. Ngunit umaaray dito ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan. Nababawasan na raw ang kanilang mga pasahero, bagay na hindi nakatutulong lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng diesel ngunit hindi naman sila makapagtaas ng pamasahe. Ilang transport groups na rin ang humihirit ng taas-pasahe ngunit sinabi na ng DOTr na malabo itong mangyari sa nalalabing araw ng administrasyong Duterte. Noong isang linggo, pinayagan silang magtaas ng piso.
Maraming tsuper na nga ang piniling tumigil sa pamamasada at naghahanap na lang ng ibang mapagkakakitaan dahil luging-lugi sila sa kanilang gastos sa petrolyo kahit pa buong araw na silang bumibiyahe. At dahil nabawasan ang mga pumapasadang dyip sa mga pangunahing lansangan, dagsa ang mga commuters na nag-uunahang makasakay. Hindi na nga nila alintana ang COVID-19. Kahit na siksikan sa mga bus at jeep, titiisin na nila, makarating lamang sa kanilang trabaho o pupuntahan.
Sa huling walong linggo ng pagpapatupad ng libreng sakay sa ilang bus sa EDSA, gumastos na ang gobyerno ng anim na bilyong piso. Samantala, ang halagang sinasalo ng gobyerno sa bawat araw ng libreng sakay sa MRT ay umaabot sa halos limang milyong piso. Malaking halaga na ito para sa isang pansamantalang ayuda sa mga mananakay. Ayon sa National Center for Commuter Safety and Protection, mas mainam na gamitin ang mga pondong ito sa pagpapatupad ng permanenteng solusyon sa trapiko at pagpapahusay sa pampublikong transportasyon.
Gaya ng ipinahihiwatig sa Lucas 12:48, ang ating mga lider na “binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Dapat lamang na malaki ang asahan natin sa ating mga pinuno. Hindi tayo dapat makuntento sa mga pampalubag-loob at pansamantalang benepisyo—gaya ng libreng sakay—lalo pa’t may mga kababayan tayong nasasagasaan ng ganitong mga hakbang katulad ng mga tsuper. Sabi nga sa Catholic social teaching na Quadragesimo Anno, trabaho ng mga namumuno ang tiyakin ang kapakanan ng buong bayan at ng mga bumubuo nito. Hindi ito dapat nakatuon lamang sa pagpapabango ng imahe nila.
Mga Kapanalig, ilang administrasyon na nga ang dumaan ngunit problema pa rin natin ang pampublikong transportasyon lalo na rito sa Metro Manila, ang sentro ng komersyo ng bansa. Kung ayaw na itong tugunan ng papaalis na administrasyon, nawa’y sa ilalim ng papalit rito, mabibigyan ng pangmatagalang solusyon ang problemang ito.