503 total views
Ito ang pagninilay ni Bishop Rex Andrew Alarcon sa ginanap na Misa ng Bayang Filipino sa pagsisimula ng ika-anim na Philippine Conference on New Evangelization sa Quadricentennial Pavillion ng University of Santo Tomas na magtatapos sa linggo sa ika-21 ng Hulyo.
Sa homiliya ng Obispo, sa Krus na nakabayubay si Hesus ay katunayan na siya’y nabuhay at nakipamuhay kasama ang mga tao sa daigdig.
“I thought the symbol of love is a heart, now I realized, it is more of the cross. Ang krus ay ang pag-ibig ng Diyos, ang krus ay ang pagliligtas ni Hesus. Sa krus ibinigay ni Hesus ang kanyang buhay upang tayo ay muling mabuhay,” pagninilay ni Bishop Alarcon.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa Krus ding ito pinasan ni Hesus ang kasalanan ng bawat tao at ating nasaksihan ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Ang mensahe ni Bishop Alarcon ay bilang tugon sa karaniwang katanungan ng kabataan kaugnay sa pagdududa sa pananampalataya at sa pagmamahal ng Diyos.
“Ang Krus ay hindi patay na kahoy, buhay ang Krus. Nabuhay ang taong nakabayubay sa Krus, sa krus nasaksihan natin ang dakilang pag-ibig. Ang daan ni Hesus at ang lakad ni Hesus, ay ang daan at lakad ng Krus. Ito ang daan at paglalakad ng wagas na pag-ibig,” ayon pa sa pagninilay ng Obispo.
Si Bishop Alarcon ay kabilang sa mga pinakabagong Obispo ng simbahan na itinalaga ng Santo Papa Francisco ngayong taon at ang in-coming chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth sa katatapos lamang ng plenary assembly.
Inihayag ng Obispo na ang pagmamahal ng Diyos ay dakila at para sa lahat sa kabila ng ating mga pagdududa at agam-agam.
Tema ngayong taon ang Filipino Youth Walking with Jesus na bahagi ng pagdiriwang ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ng Year of the Youth bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas.