718 total views
Ibinahagi ng opisyal ng Commission on Clergy ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na sa pagtanggap ni Hesus sa krus ay napagtagumpayan nito ang kasalanan ng sanlibutan at nailigtas ang sangkatauhan.
Sa pagninilay ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, ang chairman ng komisyon, sa kapistahan ng pagtatampok sa kabanal-banalang krus ni Hesus, ipinaliwanag nitong marami sa mamamayan ang nagkakasala dahil ayaw mahirapan sa mga hamong kinakaharap sa buhay.
Ngunit sa pamamagitan ng krus ni Hesus ay nakamit ng sanlibutan ang buhay na walang hanggan.
“Niyakap ni Hesus ang krus at dinanas ang pait ng kasalanan habang nananatiling tapat sa Ama. Sa ganung paraan nalupig niya ang kasalanan at kamatayan at binuksan sa atin ang kaluwalhatiang walang hanggan,” pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Paanyaya naman ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto sa mananampalataya na pagnilayan ang pagwawagi ni Hesus sa krus sapagkat ito ang instrumento ng kaligtasan ng bawat tao sa mundo mula sa dilim ng kasalanan.
Sinabi ng Obispo na lalo na sa gitna ng krisis na naranasan ng daigdig dulot ng corona virus pandemic kung saan marami sa mamamayan ang nakararanas ng hirap at unti-unting nawawalan ng pag-asa.
“Ang krus ang sagisag ng ating pananampalataya sapagkat dito ay nagkakaroon tayo ng kaligtasan, tumitibay ang ating pananampalataya at ang ating pagharap sa iba’t ibang hamon ng buhay,” saad ni Bishop Presto.
Inihayag ng obispo na sa pagtingala sa krus ni Hesus nawa’y magkaroon ng pag-asa ang bawat isa lalo’t higit ang mahihinang sektor ng lipunan na lubos naapektuhan ng krisis partikular ang mga nawalan ng kabuhayan at mga nabiktima ng COVID-19 na umabot na sa 300-libo.
Inihayag naman ni Batanes Bishop Danilo Ulep na ang kuwento ng krus ang saksi sa paghihirap at pagpapakasakit ni Hesus upang tubusin ang tao mula sa kasalanan kaya’t ito rin ang simbolo ng tagumpay.
“In the life of Christ, He suffered and carried that cross and died on that cross, but it was turn into a symbol of victory from a symbol of shame and cruelty,” ani Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Hinihinimok ng mga lingkod ng Simbahan ang mahigit 80 porsyentong Katoliko sa bansa na patuloy magpasalamat sa Diyos sa bawat handog at biyayang kaloob sa gitna ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap sa buhay.