61,147 total views
Mga Kapanalig, malaking balita ngayon sa kapitbahay nating bansa na Vietnam ang pagpapataw ng parusang kamatayan o death penalty sa isang real estate tycoon na napatunayang ginamit—o ninakaw pa nga—ang pera ng pinakamalaking bangko roon.
Sa loob ng labing-isang taon, iligal na kinontrol ni Truong My Lan, chair ng isang real estate corporation, ang Saigon Joint Stock Commercial Bank, kung saan isa rin siya sa mga may-ari. Umabot sa 12.5 bilyong dolyar (o mahigit 700 bilyong piso) ang ninakaw ni Lan sa pamamagitan ng pamemeke ng mga loan applications. Inilagak ang perang nakulimbat ng tycoon sa libu-libong ghost companies o mga kompanyang gawa-gawa lamang. Upang pagtakpan ang krimen, sinuhulan din ni Lan at ng kanyang mga kasabwat ang mga opisyal ng pamahalaan. Ito nga raw ang pinakamalaking panunuhol na naibalita sa Vietnam.
Ang kasong ito ay bahagi ng national corruption crackdown ng gobyerno roon kung saan marami nang mga opisyal ng pamahalaan at miyembro ng tinatawag na business elite ang hinabol at kinasuhan. Nagsimula ang kampanyang tinawag na “Blazing Furnace” noong 2016, at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. Dalawang presidente at dalawang prime ministers na nga nila ang bumaba sa puwesto at daan-daang opisyal naman ang pinatawan ng parusa o ipinakulong. Sa kaso ni Lan, ang parusang kamatayan, ayon sa hukuman, ay akma raw sa tindi at lawak ng krimeng kanyang ginawa.
Kailan kaya mangyayari ang ganitong pagpapanagot sa mga tiwali sa Pilipinas?
Hindi natin sinasabing kailangang patawan din ng parusang bitay ang mga nagnanakaw. Salungat ang death penalty sa ating paninindigang sagrado ang buhay ng tao at sa paniniwalang dapat bigyan ng pagkakataon ang mga gumagawa ng mali na magsisi at maituwid ang kanilang kamalian. Ang hinahanap natin ay isang sistemang pangkatarungan kung saan tunay na napananagot ang mga gumagawa ng mali at tunay na pinahahalagahan ang tiwala ng taumbayan.
Sa ngayon kasi, dito sa atin, namamayagpag pa ang mga makapangyarihan sa ating lipunan sa kabila ng kanilang katiwalian. Iniluluklok pa nga natin sila sa puwesto, kahit pa napatunayan na ang kanilang pagnanakaw. Pati ang kanilang mga kamag-anak na nakinabang sa katiwalian, ibinoboto pa natin at hinahayaang kumapit sa kapangyarihan sa mahabang panahon.
Kasama nilang namamayagpag ang mayayaman at maimpluwensya. Gamit ang kanilang yaman, nagiging investment na nga nila ang pagsuporta sa mga pulitikong sa kanilang tingin ay magbibigay sa kanila ng maraming pabor para sa kanilang negosyo. Kahit pa makapanira ng kalikasan o makapagpalaganap ng kulturang hindi nagpapahalaga sa dignidad ng tao, kayang-kaya nilang impluwensyahan ang mga gumagawa at nagpapatupad ng batas.
Nakikinabang sa isa’t isa ang mga ganid na pulitiko at negosyante, habang kapwa nila pinaiikot at binobola nila ang karaniwang tao.
Sa huli, ang pagkakaroon ng kulturang pinapagot ang mga gumagawa ng mali, anuman ang kanilang antas sa buhay o posisyon sa lipunan, ay mangyayari lamang kung tayong mga mamamayan ay naniniwala sa kahalagahan nito. Bahagi ito ng pagkakasundo at pagtutulungan ng mga bumubuo ng ating lipunan na hangad ng ating Simbahan, saad nga sa Catholic social teaching na Quadragesimo Anno. Hindi ito mangyayari kung hinahayaan nating umiral ang interes ng mga tiwaling miyembro ng political at business elite. Hindi ito mangyayari kung hinahayaan nating kontrolin ang pamahalaan at ekonomiya ng mga tao at grupong ang prayoridad ay magkamit ng kapangyarihan at magkamal ng kayamanan.
Mga Kapanalig, hindi ba natin inaasam ang isang bayang makatarungan? Hindi ba natin gusto ang isang bayang tinutulungan ang naaapi, wika nga sa Isaias 1:17, sa halip na kinakanlong ang mga mapang-abuso at tiwali? Ang hangaring magkaroon ng ganitong lipunan sana ang magtulak sa ating bumoto nang tama sa mga darating na eleksyon.
Sumainyo ang katotohanan.