265 total views
Gaya ng Corona Virus, ang kahirapan ay mas kumalat na ngayon sa ating bansa. Pahirap ng pahirap ang buhay kapanalig. Ayon nga sa World Bank, 2.7 milyong Filipino pa ang lulubog sa kahirapan dahil sa pandemya.
Grabe kasi ang naging epekto ng pandemya sa bansa. Record breaker ang pagbaba ng gross domestic product (GDP) ng bansa. Ito na na ata, ayon sa World Bank, ang pinaka-mababang economic output sa loob ng mahabang panahon. Nuong 2nd quarter ng nakaraang taon, 16.9% ang contraction na naranasan ng ating ekonomiya. Humupa ito ng bahagya nuong 3rd quarter, sa antas na 11.5%.
Ang taas na rin ng presyo ng mga bilihin. Umaabot pa ng P400 kada kilo ang karne ng baboy ngayon, at napakamahal na ng mga ordinaryong gulay at prutas. Kay dami pa naman ang walang trabaho ngayon, kaya’t mas hirap ang karamihan bumangon.
Kapanalig, kailangan na talagang magbukas ang ekonomiya ng bansa upang mas marami ang magkaroon ng oportunidad para kumita. Hindi nararapat na matigil at makulong tayo sa isang quarantine na tila ang labo ng exit plan. Hanggang ngayon, magulo pa rin ang plano para sa bakuna. Within 3 to 5 years ang implementasyon nito ang naunang sabi ng pamahalaan. Mga katapusan pa ng Pebrero ito mauumpisahan, dagdag pa nila, at siyempre, hindi naman malaking porsyento ng populasyon ang kaagad mababakunahan.
Nakakalungkot kapanalig. Ang Bangladesh nga, na mas mahirap pa sa atin, umpisa na ang pagbabakuna sa January 25. Siyempre, ang mga bansang mayayaman, nagsimula na ang pagbabakuna. Sa atin, PSG pa lamang ang nababakuhan, hindi ba, at mga piling tao. Paano na ang ordinaryong Filipino?
Kailangan nang matulungan natin ang isa’t isa makabangon sa kahirapan, kapanalig. Kailangan ma-engganyo natin ang pamahalaaan na pabilisin ang kanilang aksyon. Nakakaba nga lamang dahil ngayon pa lamang nga, nagiging balakid na sila sa kagustuhan ng mga Filipino na makakakuha ng angkop na bakuna. Paano ba tayo makakasimula?
Unang-una, sana ay mabigyan ng pamahalaan ng kalayaan ang mga LGUs at pribadong sektor na makabili ng bakuna. Pangalawa, kailangan din ma-i-angat natin ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa bakuna. Pangatlo, habang wala pang bakuna, kailangan paigtingin pa ang social assistance sa mga bulnerableng sektor at sa mga maliliit na negosyo. Ang pagtulong sa kanila ay magpa-pa-gaan ng epekto ng pandemya sa ekonomiya.
Iprayoridad sana ng ating lipunan ang kapakanan ng mahihirap sa bayan, lalo na ngayong pandemya. Ayon nga sa Populorum Progressio, ang pag-angat sa kahirapan ng ating mga kababayan ay pag-angat ng kabuhayan ng bayan at ng sangkatauhan.