420 total views
Hinimok ng Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na kumapit sa Panginoong nagbibigay pag-asa sa bawat isa.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
Ayon sa Arsobispo, dulot ng pag-asa ang hatid ni Hesus sa sanlibutan sa kanyang pagtagumpay na tawirin ang dilim ng kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan.
“Jesus rose again to tell you in ways more powerful words, do not despair continue to trust, continue to hope, your third day will also come, there is also a resurrection that awaits you,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ng Cardinal, hindi nagtapos sa pagpapakasakit at pagkamatay ang buhay ni Hesus kundi higit na ipinagdiriwang ng Simbahan ang muling pagkabuhay sa ikatlong araw.
Inihayag ni Cardinal Advincula na sinasagisag ng ikatlong araw na pinagtagumpayan ni Hesus ang kamatayan at kasamaan para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
“This is what Easter Sunday reminds us, there is always a resurrection and because Jesus rose again we have hope, there will always be a third day for us,” dagdag ng cardinal.
Batid ng pinunong pastol ng Maynila na maraming mamamayan ang pinanghihinaan at nawawalan ng pag-asa bunsod ng iba’t ibang hamong kinakaharap lalo na ang epekto ng COVID-19 pandemic sa buhay ng bawat isa.
Ilan dito ang mga nawalan ng mahal sa buhay kung saan sa pandaigdigang tala nasa anim na milyong katao ang nasawi sa pandemya, nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagkalugi ng maraming negosyo, maging ang mga nalulong sa bisyo at biktima ng malng desisyon sa buhay.
Umaasa si Cardinal Advincula na mapagtatagumpayan ng daigdig ang epekto ng pandemya at muling makabangon ang pamayanan.
“Just wait, for life does not end there hindi pa tapos ang lahat there is always a third day, a day of victory, a day of resurrection, even this pandemic will have its third day,and one day we will all experience resurrection,” giit ni Cardinal Advincula.
Paalala ng Arsobispo sa mamamayan na kahit gaano kabigat ang mga suliranin manatiling kumapit sa Panginoon upang tamasahin ang pag-asa na ipinangako nito sa sambayanan.
Tiniyak ni Cardinal Advincula ang patuloy na pananalangin para sa lahat lalo na ang mga nahaharap sa matinding pagsubok na sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesus ay maliwanagan at mabigyang pag-asa ang bawat isa.