3,246 total views
Patuloy ang pagiging abala ng simbahan na pinangungunahan ng Anak ni Inang Daigdig sa pagtatanim ng puno ng kawayan sa mga river banks sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Fr. Ben Beltran founder ng Anak ni Inang Daigdig, layunin ng programa ay upang labanan ang matinding epekto ng pagbaha na ang pangunahing mga nasasalanta ay ang mga lalawigan sa Luzon kasama na ang Metro Manila.
“Ang problema hindi iyong Marikina, hindi yung Provident Village. Ang problema, ang Mount Ayaas at ilang pang bundok sa Montalban hanggang Bulacan na ay kinalbo ng mga illegal loggers. Kapag hindi natin nataniman ‘yan mas mataas pang mga baha ang mahihintay natin sabi ng mga scientist,” ayon kay Fr. Beltran.
Sa kasakuyan ayon sa pari ay may higit na sa 200 parokya mula sa Diocese ng Antipolo, Cubao at Novaliches ang nag-sponsor ng mga seedlings para mataniman ang may 600 ektarya ng river banks sa Rizal.
Ang Anak ni Inang Daigdig ay grupo ng mga mananayaw mula sa Smokey Mountain at nagtatanghal sa iba’t ibang bansa na itinalaga ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) bilang Ambassadors for Peace and Environment.
Dagdag pa ng pari, ang adbokasiya ng pagtatanim ng kawayan ay limang taon na nilang isinasagawa bagama’t kabilang din sa mga ‘binhi’ ay natangay ng nagdaang bagyong Ulysses.
Bukod sa mga river banks, naghahanda na rin ang grupo para sa gagawing reforestation sa mga bundok ng Sierra Madre kung saan bukod sa kawayan ay pinag-aaralan na rin ang iba pang uri ng puno at damo na maaring itanim na makatulong laban sa baha at mga pagguho ng lupa.
Ayon pa kay Fr. Beltran, binigyan ng permiso ng DENR-Rizal ang simbahan para mataniman ang 600 ektarya ng River banks sa lalawigan.
Umaasa din ang pari sa pakikipagtulungan ng iba pang diyosesis sa buong bansa na suportahan ang hakbang para sa ikatatagumpay ng proyekto.