7,361 total views
Naniniwala ang ecumenical youth group na Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) na ang mga nagpapahintulot sa patuloy na pag-iral ng katiwalian sa pamahalaan ang kumokontra sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.
Ito ang tugon ni SCMP National Vice Chairperson Josh Valentin kaugnay sa tinuran ni Vice President Sara Duterte sa kontrobersyal na confidential funds sa 2024 National budget na “Kung sinuman ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”
Ayon kay Valentin, ang kapayapaan ay nakaugat din sa pagkakaroon ng patas ng hatian o distribusyon ng yaman lalong-lalo na para sa mga mahihirap na nangangailangan.
Ipinaliwanag ni Valentin na sa halip na paglaanan ng pondo ng bayan ang mga confidential funds ng iba’t ibang sanggay ng pamahalaan ay mas dapat na iprayoridad ang pagkakaloob ng mga programa at serbisyong pampubliko lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa merkado.
“Christian youth believe that peace is built on the just distribution of this world’s goods. In a time of rising price of commodities and rising inflation rate, the amount of confidential funds should not rise and should be distributed to provide social services to marginalized Filipinos. Whoever allows a culture of corruption that enables confidential funds to reign over the government is the one who is really opposing peace,” Ang bahagi ng pahayag ni SCMP National Vice Chairperson Josh Valentin.
Nananawagan naman ang ecumenical youth group sa bawat isa upang ipanalangin ang pagiging matapat, responsable at mabuting lingkod bayan ng bawat opisyal ng pamahalaan.
Binigyang diin rin ng Student Christian Movement of the Philippines ang kahalagahan ng pagiging mapagbantay ng bawat isa upang maisulong ang katapatan partikular na ang ‘transparency’ sa paggamit ng mga opisyal at sanggay ng pamahalaan sa kaban ng bayan.
“As Christians who believe in the values of humility and simplicity, we pray that our government officials may display these values and reject not just their extravagant lifestyles as their constituents continue to live in poverty. We continue to pray that they do not serve as a vessel of corruption, as well as act on our faith that moves us to become defenders of transparency by advocating for the abolishment of confidential funds,” Dagdag pa ni Valentin.
Ayon kay Saint Pope John Paul II sa kanyang mensahe sa mga miyembro ng Centesimus Annus – Pro Pontifice noong 1998, kung seryoso ang pamahalaan sa pagtugon sa kapakanan at kabutihan ng lahat ay kailangan gamitin ng mga ito ang bawat oportunidad upang magkaroon ng tamang distribusyon ng yaman lalong-lalo na para sa mga mahihirap na sa matagal na panahon ay napag-iiwanan ng pag-unlad.