503 total views
Hinamon ng Break Free from Plastic Movement ang mga naglalakihang kumpanya ng mga sabon at shampoo na maging responsable sa pagbibigay sa mga mamimili ng kanilang mga produkto.
Paliwanag ni Angelica Carballo- Pago, ng Greenpeace Philippines, isa sa mga miyembro ng BFPM, kinakailangang magkaroon ng alternative delivery system o sariling recycling facilities ang mga kumpanyang gumagamit ng plastic na sachets sa kanilang mga produkto.
Kinakailangan ito upang maibsan ang tone-toneladang plastic ng basurang nakuha ng Greenpeace sa isang linggong pagsasagawa ng Coastal Clean-up sa Freedom Island o Las Pinas Paranaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA).
“Itong mga korporasyon naisip nila na tayo bilang bansang hindi naman ganun kalaki ang kita, so ginagawa nila habang mas maliit, mas marami ang maaaring bumili so dito sila kumikita sa mga maliliit na pakete na kaya lang din nating bilihin. Hindi natin ito gustong tanggalin sa ating mga kababayan, gusto natin na hindi tayo anti-poor, bagkus ang gusto natin ay ibalik natin ito sa mga korporasyon na napakaraming pera, at napakaraming resources at may teknolohiya na maaaring nilang gamitin para magkaroon ng alternative delivery system o baguhin nila ang kanilang paraan ng pagdedeliver ng mga produkto papunta sa ating bansa at sa iba pang developing countries,” bahagi ng pahayag ni Pago sa Radyo Veritas.
Sa unang pagtataya ng Greenpeace Philippines humigit kumulang 60,000 piraso ng mga branded plastics o 53.8-percent ang kanilang nakolekta.
Kabilang dito ang mga pakete ng Nestle, Unilever, PT Torabika Mayora (isang Indonesian company), at mga pakete sa ilalim ng mga manufacturers na Procter and Gamble, Monde-Nissin, at Colgate-Palmolive.
Maliban dito, 49.33-porsiyento ng basurang kanilang naipon ang plastic waste o mga sando bags at iba pang unbranded na plastic.
Samantala, mayroon ding mga sapatos, Styrofoam, diapers, sanitary products, mga babasagin, textile at iba pa.
Sa pagsisiyasat ng kanilang grupo, natuklasan na ang mga kalat na nasa LPPCHEA ay mula sa mga ilog ng Pasig, Marikina at San Juan.
Dahil dito, muling binigyang diin ng grupo ang matagal nang kampanya ng iba pang mga environmentalists na reduce – reuse – recycle.
Kaugnay dito nanawagan din si Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista sa bawat tao na alagaan ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan.
Ayon sa Obispo, mahalagang manatili ang kalinisan sa mga ilog at dagat na pinagmumulan ng pagkain ng tao, at ang kalinisan ng hanging hinihinga ng bawat indibidwal.
Bukod dito, hinikayat din ng Obispo ang bawat isa na manalangin para sa kaayusan ng paligid sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Tayo ay sama-samang magdasal para sa pangangalaga ng ating kalikasan, hindi lamang sa panahon na ito kundi sa buong taon at sa araw-araw nating pamumuhay. Napaka halaga ng kalikasan sa bawat isa sa atin, pangalagaan natin an gating kapaligiran, ang kalikasan, sana ay mapangalagaan natin, malinis ang ating mga ilog, mga dagat, hangin sa paligid, sa pamamagitan ng pagmamalasakit nating sama-sama sa ating kalikasan. Sana tayo ay magkaisa, magtulong-tulong para sa pagtataguyod natin ng mundong ito lalo na sa pakikinabang ng susunod na henerasyon,” pahayag ni Bishop Evangelista sa Radyo Veritas.
Sa tala ng National Geographic noong 2015 mayroong higit pa sa 5.25 trilyong basura sa karagatan.
Kaugnay dito nagpahayag na rin ng malubhang pagka-alarma sa sitwasyon si Pope Francis dahil sa dami ng basurang nalilikha ng mga tao ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang buong daigdig.