343 total views
Binalaan na ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP ang lahat ng mga kumpanyang nagpapatupad ng kontraktwalisasyon sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay ECOP chairman emeritus Donald Dee, kailangang sumunod ang mga employers sa batas at pinahigpit na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra – ENDO o “end of contract,” na hinayaan lamang ng nakaraang administrasyon.
Binanggit rin ni Dee na dahil sa nais ibidang datos ng Aquino administration na mapababa ang unemployment rate sa bansa ay napabayaan ng pamahalaan na proteksyunan ang karapatan ng mga ordinaryong manggagawa.
“Sundin lang yung batas dahil ang unang – una yung ENDO na 555 ay talagang iligal naman yan. Kaya naman dati ay hindi hinuhuli dahil ang pananaw noong gobyernong nakaraan ay mas mabuti na yung marami ang nagta – trabaho. At yung data nila sa unemployment ay ayaw nilang mapabagsak masyado pero ngayon ang pananaw at parang kailangang proteksyunan lahat ng manggagawa at kami naman ay agree doon at handang sumuporta roon,” bahagi ng pahayag ni Dee sa panayam ng Veritas Patrol.
Tumutugon naman ang ECOP sa pakikiisa sa pangulo upang labanan ang talamak na ENDO sa pagsasagawa ng isang forum upang maisaligal na ang outsourcing ng ilang kumpanya sa Department of Labor and Employment.
“Para mawala na yang ENDO sinasabi namin sa mga principal companies na kumpanyang malalaki na nagpapa – outsource na kailangan na naka – register sa DOLE yung mga kinakausap nilang mga kontraktwal dun sa kanilang outsourcing para malagay sa legal at kung hindi sila naka – register ay huwag bigyan ng kontrata,” giit pa ni Dee sa Radyo Veritas.
Nabatid na Tumaas ng 6.1 porsyento ang unemployment rate nitong buwan ng Abril 2016. Ayon sa Philippine Statistics Authority, katumbas ito ng 2.6 na milyong mga Pinoy na walang trabaho.
Magugunita na sa Laborem Exercens ni St. John Paul II sinabi nito na mahalagang kilalanin ng lipunan ang dignidad ng mga manggagawa sapagkat kaisa sila sa pag – unlad ng bansa.