283 total views
Mga Kapanalig, inaantabayanan ng buong bansa ang pagdating ng mga bakuna laban sa Covid-19 na inaasahang magbibigay-lunas sa pinagdadaanan nating matitinding epekto ng pandemya. Bagamat marami nang mga bansang nagsimulang magturok ng bakunang ito sa kanilang mga mamamayan, marami sa ating mga kababayan ang nagdadalawang-isip kung sila ba ay magpapabakuna o hindi. Sa isang survey na ginawa ng Department of the Interior and Local Government (o DILG), lumabas na tatlo lamang sa bawat sampung taga-Metro Manila ang pumapayag na magpabakuna laban sa Covid-19.
Maaaring iba-iba ang mga dahilan ng 70% na nagsabing ayaw nila o nag-aatubili silang magpabakuna. Dahil bago ang mga bakunang ito at wala pang sapat na datos upang malaman ang kanilang pangmatagalang epekto sa katawan ng tao, marami ang natatakot, lalo na ang mga may ibang karamdaman. Napabalita rin kasing may mga matatandang namatay sa Norway matapos maturukan ng bakuna laban sa Covid-19, bagamat kahit wala pa ang Covid-19 ay dati na rin namang mataas ang bilang ng mga namamatay sa ganoong mga edad sa bansang iyon. May ilan ding gusto munang makita ang epekto ng bakuna sa ibang tao, bago sila magpaturok.
Isa ring tinitingnang dahil ang takot na idinulot ng mga balita noon tungkol sa Dengvaxia, ang bakuna kontra dengue. Bagamat walang malinaw na ebidensya, kumalat noon ang balitang ito ang dahilan ng pagkamatay ng ilang batang naturukan nito. Dahil hindi naging malinaw ang naging resulta ng mga imbestigasyon ukol sa usaping ito, hindi nagkaroon ng matibay na sagot kung ligtas ba o hindi ang nasabing bakuna. Maraming mga magulang tuloy ang hindi nagpabakuna pati sa ibang mga sakit katulad ng tigdas at polio, at dahil dito ay tumaas ang bilang ng mga nagkasakit at namatay sa mga sakit na ito sa sumunod na dalawang taon matapos ang isyu sa Dengvaxia.
Sa gitna ng ganitong mga agam-agam, malinaw na ang hinahanap ng mga tao ay mapagkakatiwalaang impormasyon at mapagkakatiwalaang mga namumunong magbibigay ng tamang impormasyon at magpapaliwanag sa kanila nito. Isa sa napakahalagang impormasyong dapat maunawaan ng mga tao ay kung bakit mahalagang marami ang magpabakuna upang ang lahat sa atin ay maging ligtas. Sa siyensiya, tinatawag itong “herd immunity”. Kung nakatanggap ng bakuna ang humigit-kumulang 70% ng populasyon, halos lahat ay magiging ligtas sa Covid-19 dahil mapipigilan na ng mga nabakunahan ang paglilipat ng sakit sa iba. Samakatuwid, ang pagpapabakuna ay hindi lamang para sa sariling kaligtasan kundi para sa kaligtasan din ng iba at ng nakararami, maging ang mga bata na hindi kasama sa mga babakunahan.
Dito hinahamon ang pagmamalasakit natin sa isa’t isa, o ang madalas nating sabihing pagsusulong ng kagalingang panlahat, o ang tinatawag natin sa Simbahan na “common good.” Magpapabakuna ang isang tao dahil makabubuti ito hindi lamang sa kanya kundi sa kanyang kapwa. Hinahamon din ang Simbahang Katolika kung maipapalaganap nito ang kaisipang ito at mahihikayat ang mga mananampalatayang magpabakuna para sa kapakanan ng nakararami. Gaya ng pangangaral ni San Pablo sa mga taga-Filipos 2:4, hinihingi sa ating pagmalasakitan natin ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa ating sarili. Sa Gaudium et Spes, isang Catholic social teaching, sinasabi sa ating hindi na sasapat ang moralidad na pansarili; pananagutan ng bawat isa ang isulong ang kagalingang panlahat ayon sa kanyang kakayahan at pangangailangan ng iba.
Mga Kapanalig, upang mapalaganap ang kaisipang ito at mahikayat natin ang maraming magpabakuna, tiwala at kumpiyansa ang kailangan ng mga tao—kumpiyansa sa mga namumuno sa mga komunidad, sa barangay, sa lokal at pambasang pamahalaan, maging sa Simbahan. Kailangang maipaliwanag ang siyensya ng pagbabakuna, maging transparent o tapat sa paglalahad ng tamang impormasyon, at ipaunawa ang kahalagahan ng malasakit sa kapwa.