268 total views
Kapanalig, itong mga nakaraang araw, medyo numipis ang suplay ng kuryente sa Luzon. Mas malakas kasi ang konsumo nating lahat ngayon dahil tagi-init, at nagkaroon ng konting aberya sa ating power lines. Mabilis man naresolba ito, nagdala ito ng pag-aalala sa marami nating mamamayan. Gaano ka-secure ang power o kuryente dito sa ating bansa?
Ngayong 2023 hanggang sa unang bahagi ng 2024, may nagbabantang el nino sa ating bayan. Mas malakas pihado lalo ang konsumo natin dahil sa mas mahabang tag-init. May mga aberya ding inaasahan sa ating mga power plants kaya nga’t noong nakaraang taon, nai-project ng Department of Energy na maaaring magkaroon ng 17 yellow alerts at tatlong red alerts ngayong taon.
Sabay din ng mga salik na ito, ay ang patuloy na pagtaas ng demand para sa kuryente sa ating bayan. Mabilis ang urbanisasyon sa ating bayan, at siyempre, habang umuunlad at nagiging moderno, mas nagkokonsumo tayo ng kuryente. Ngayong bumabangon din ang ekonomiya, mas malakas na power supply din ang kailangan.
Sa ngayon, sumasapat pa kahit papaano ang ating power supply sa bayan, huwag lamang may masira pa na power plant. Pero kapanalig, paano natin matitiyak na ang supply ng kuryente ay kayang sumabay sa tumataas ding power demand?
Isa sa maaring gawin ng pamahalaan, kapanalig, ay suriin at ayusin ang pagmimintina ng mga power plants ng bayan. Kailangan na silang mas tutukan dahil tinatayang mga 50% ng ating kuryente ay mula sa mga plantang mahigit 20 taon ng tumatakbo. Kung patuloy ang kanilang maayos na operasyon, kontrolado ang suplay ng kuryente. Pero, kailangan din nating isipin ang sustainability ng mga ito – para sa kalikasan at para sa ating kalusugan. Karamihan kasi sa kanila, fossil fuels ang gamit – masama sa kalikasan at sa ating katawan.
Kaya nga’t mainam na paraan ang pagtataguyod ng mga plantang gumagamit ng renewable energy. Sa ngayon, 22% lamang ng ating kuryente ay mula sa wind, solar, biofuels, at hydropower. Kung mapapalawig pa natin ito, mas diversified ang ating energy mix, bawas pa ang mga emisyong ating kinakalat sa kalawakan. Mababawasan pa ang gastos natin sa krudo.
Ang pagtitiyak ng suplay ng kuryente ay pagtitiyak din ng kinabukasan ng ating bayan. Ang kuryente ay kritikal sa lahat ng ating ginagawa – kung wala nito, paralisado ang ating bayan, at walang pag-unlad na maaasahan. Pero kailangan din nating maging environmentally responsible dito. Para sa ating mga Kristyanong Katoliko at ayon kay Pope Francis, maari nating responsableng harapin ang power demand sa pamamagitan ng pag-gamit ng clean energy – ng mga renewable energy. Kaya’t tagubilin na nga sa atin ng Laudato Si, palitan na natin ng renewable energy ang ating mga fossil fuels, bilang source ng ating power supply. Panahon na upang tutukan ng ating bayan ito.
Sumainyo ang Katotohanan.