52,128 total views
Kapanalig, kahit ano pang pagpipikit mata natin o bulagbugan, hindi natin matitiis na ang mahal ng halaga ng kuryente sa ating bansa. Lalo ngayon kapanalig, na tumataas ang halaga ng dolyar, pihado, madarama na natin ang panibagong aray sa kuryente. Nauna na nga ang pasakit ng halaga ng krudo at gas, hindi ba?
May mga pagsusuri na nga na nagsasabi na ang ating bansa na nga ang isa sa may pinakamataas na halaga ng kuryente sa ASEAN, sunod sa Singapore na first world country at mas malaki ang kita ng mga mamamayan at manggagawa kaysa sa atin. Ito nga ang isa sa mga anggulo kapanalig, na dapat din nating tingnan. Hindi lamang presyo ng kuryente ang dapat nating tutukan kundi ang porsyento ng ating kabuuang kita na nilalaan natin para makabayad lang ng kuryente.
May mga pag-aaral na nagsasabi na maski sa minimum wage natin ngayon ay hindi makasurvive ang karaniwang pamilya na may limang miyembro. Umaabot lamang ito ng mahigit kumulang P12,400 kada buwan sa Metro Manila. Kung susuruin, kulang pa ang halaga na ito para sa masustansyang pagkain ng isang pamilya kada buwan. Paano pa kaya makakabayad sa transportasyon, edukasyon, tubig, kuryente, at renta? Kung ang karaniwang halaga ng kuryente ng maralitang pamilyang Filipino ay mga P1,000 hanggang P2,000, ang laking bawas na ito sa kabuuang kita ng pamilya – halos pang-pagkain na lamang ang matitira. Sa Metro Manila pa lang po yan, kapanalig. Sa probinsiya, mas mataas pa minsan ang halaga ng kuryente. At doon, kung nasaan ang mga magsasaka at mangingisda na siyang pinakamahirap sa ating bayan, said na ang bulsa.
Kapanalig, ang kuryente ay napakahalaga para sa lahat. Lahat ng gawain natin ay powered ng kuryente, kahit saan man tayo ngayon. Hindi lamang ito para sa liwanag gaya ng dati – ngayon ito na halos ang engine ng paglago nating lahat. Ang gamit natin sa trabaho, mula sa sasakyan hanggang sa mga gadgets, kuryente na ang tumutulak. Kung hindi tayo makakabayad dito, o mamimili pa – gutom o kuryente? – napa-miserable kapanalig ng buhay Filipino. Asan ang katarungan dito?
Kapanalig, ito ang ehemplo ng tinuturo sa atin ang panlipunang turo ng Simbahan, partikular mula sa Economic Justice for All – ang litmus test ng kawalan o presensya ng katarungan sa isang lipunan ay kung paano ito tumutugon sa mga pangangailangan ng pinakamahirap na miyembro nito. Kung hihimayin kung saan napupunta ang kita ng maralita sa ating bayan, at ang trajectory ng kanilang kinabukasan base sa kahirapang nadarama nila ngayon, lahat ng kita, napupunta lang sa mga bayarin gaya ng kuryente. Walang katarungang nalalasap, o ginhawa man lamang na maasahan, ang nakakarami nating kapwang nasa laylayan.
Sumainyo ang Katotohanan.