56,935 total views
Mga Kapanalig, kumasa na rin ba kayo sa “bill reveal challenge” na uso ngayon sa social media? Ito ay mga video kung saan dahan-dahan ipinasisilip ang total electric bill na para bang premyo sa isang gameshow. (Pero ingat lang po sa paggawa ng challenge na ito; baka kumalat ang inyong personal na impormasyon na maaaring gamitin ng mga manloloko at masasamang-loob.)
Kung hindi man sa social media, usap-usapan sa mga umpukan ng mga magkakapitbahay ang natanggap nilang bill ng kuryente. Pataasan sila ng babayaran, sabay tanong kung saan kaya sila kukuha ng ipambabayad kapag dumating na si “Judith”—o ang due date. Nakalulula naman kasi ang bill sa kuryente ng marami sa atin nitong nakaraang buwan. Sa tindi kasi ng init, halos maghapon at magdamag na ang gamit ng aircon ng mga may aircon. Pinagsasabay-sabay na rin ang mga electric fan. Ayon sa Meralco, ang pangunahing distributor ng kuryente dito sa Metro Manila, ang mataas na presyo ng kuryente nitong nakaraang buwan ay dahil tumaas din ang transmission charge, generation charge, at iba pang buwis.
Idinadaan ng ilan sa atin sa katatawanan ang mataas na presyo ng kuryente. Ang biruan nga noon ng mga may aircon, “aircon now, pulubi later.” Ito na nga ang nangyari, at baka magpatuloy pa ito dahil matindi pa rin ang init ng panahon. Asahan daw na hanggang Hunyo ang mataas na electric bill.
Ang hindi natin lubusang nauunawaan, ang mataas na demand natin sa kuryente ay nangangahulugan ng lalong paglaki pa ng pagdepende natin sa fossil fuels. Kabilang sa fossil fuels ang coal, petrolyo, at gas—lahat ito, ginagamit para lumikha sa mga power plants ng kuryenteng dumadaloy sa mga kable hanggang sa makarating sa ating mga tahanan. Ang problema, may masamang epekto sa kalikasan ang usok mula sa mga power plants na gumagamit ng fossil fuels. Kapag sinusunog ang fossil fuels, naglalabas ang mga ito ng mga greenhouse gases. Ang greenhouse gases na ito ay napupunta sa himpapawid at pumipigil sa init ng daigdig na lumabas pabalik sa kalawakan. Ang resulta, nakukulob tayo sa init at iniiba nito ang ating klima. Ito ang tinatawag na climate change.
Sa Pilipinas, pinakamalaking pinagkukunan ng enerhiya o kuryente ang coal. Ang kuryenteng mula sa mga power plants na gumagamit ng fossil fuel na ito ay bumubuo sa halos 44% ng tinatawag na energy mix. Malayong-malayo ito sa kuryenteng nililikha gamit ang mga mas malinis na mapagkukunan ng kuryente (o renewable sources) gaya ng hydro o solar. Ang ambag ng hydro o enerhiyang galing sa tubig ay nasa 13.4% lamang, habang ang solar o enerhiyang mula sa init ng araw ay nasa 5.8% lamang. Nasa 1.5% naman ang mula sa wind energy.
Sa uri ng pamumuhay na mayroon tayo ngayon—kung saan napakalaki ng pagdepende natin sa kuryente—maging masigasig sana ang gobyerno at iba pang nasa sektor ng enerhiya na bawasan ang paggamit ng mga fossil fuels. Kung magpapatuloy pa kasi ito, mas titindi ang pag-init ng ating planeta na magdadala naman ng mas mapanganib na panahon ng tag-init, gaya ng nararanasan natin ngayon. “Highly polluting fossil fuels need to be progressively replaced without delay,” panawagan nga ni Pope Francis sa ensiklikal niyang Laudato Si’.
Mga Kapanalig, sa ngayon, ang pangunahing alalahanin natin marahil ay kung paano babayaran ang napakalaking bill natin sa kuryente. Pero pakaisipin din sana nating kapalit ng mataas na pagkonsumo natin ng kuryente ay ang pinsalang dulot sa ating kalikasan. Ang labis na paggamit ng fossil fuels ay, gaya nga ng ipinahihiwatig sa Mga Bilang 35:33, “[pagdungis sa] lupaing [ating] tinitirhan.”
Sumainyo ang katotohanan.