341 total views
Ang panahon ng Kuwaresma ay isang paalala sa bawat isa sa pagiging malapit sa Panginoon.
Ito ang paalala ni Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles sa bawat mananampalataya sa makabuluhang paggunita ng panahon ng Kuwaresma.
Ayon sa Arsobispo, ang panahon ng Kuwaresma ay isang paalala sa pagiging malapit, patuloy na pananampalataya at pagbabalik loob sa Panginoon.
Ipinaliwanag ni Archbishop Arguelles na ang pagkakalimot sa Diyos araw-araw ay maituturing na pamumuhay ng puno ng pagod at walang kabuluhan.
Sinabi ng Arsobispo na mahalaga ang presensya ng Panginoon sa buhay upang magkaroon ng ganap na saysay ang ipinagkaloob na biyaya ng buhay ng Diyos sa bawat isa.
“Panahon ng Lent ipinapaalala sa atin keep close to God, believe in God saka believe in God’s love for us magiging buhay tayo. Ngayon kapag tayo ay nakakalimot sa Diyos sa araw-araw nating pamumuhay talagang mamamatay tayo dahil mapapagod tayo, at hindi naman talaga mamamatay na mawawala tayo, hindi mabubuhay tayo na wala ang Diyos, wala ang buhay, walang kabuluhan ang buhay…”pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam sa Radio Veritas.
Inihayag ng Arsobispo na ang panahon ng Kuwaresma ay isa ring pagkakataon upang ganap na maipamalas ang pagmamahal sa Panginoon at sa kapwa sa pamamagitan ng pagkakawang gawa, pagwawaksi ng pagiging makasarili at pagsunod ng tapat sa Panginoon.
Nagsimula noong ika-17 ng Pebrero na araw ng Miyerkules ng Abo ang panahon ng Kuwaresma na apat na pung araw na paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus upang mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.