192 total views
Ang panahon ng Kuwaresma ay maituturing ring spiritual work-out para sa mga Katoliko’t Kristyano.
Ito ang inihayag ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Ayon sa Obispo, hindi lamang pampisikal na kalusugan ang nararapat na bantayan at pangalagaan ng bawat isa kundi maging ang kalagayang pang-ispirituwal.
Pagbabahagi ni Bishop David, may tatlong spiritual discipline ang rekomendado ng Simbahan upang maging spiritually healthy ang bawat isa tulad ng pag-aayuno, pananalangin at pagbibigay limos o tulong sa mga nangangailangan.
“Mga kapanalig, alam niyo ang tawag ko sa kuwaresma, spiritual work-out, mga tao ngayon mahilig sila na mag-physical work-out, okey healthy ka nga physically but are you healthy spiritually, kaya kung gusto nating mag-work-out spiritually, tatlong spiritual discipline ang rekomendado ng Simbahan, fasting, praying and alms giving…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nga nito maging si Pope Francis ay nanawagan rin sa bawat mananampalataya na labanan ang salot ng pagkakaroon ng saradong puso para sa kapwa lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.
Dahil dito, una na ring inilaan rin ni Pope Francis ang araw ng Biyernes, ika-23 ng Pebrero na unang linggo sa panahon ng Kwaresma sa pananalangin at pag-aayuno para sa kapayapaan sa gitna ng kaguluhan at karahasan na nagaganap sa iba’t ibang bansa.
Bukod sa mga Katoliko ay hinikayat rin ni Pope Francis maging ang mga Non-Catholics na makiisa sa pananalangin para sa kapayapaan at kaayusan sa buong mundo.