360 total views
Mga Kapanalig, mahigit isa’t kalahating taon na ang ating pagkalugmok sa pandemya ng COVID-19, at tila wala pa ring liwanag kung paano tayo makakawala sa madilim na kalagayang ito. Mabuti na lamang at may mga kuwento pa ring nagbibigay sa atin ng inspirasyon, mga kuwentong nagpapaalala sa ating may magagandang bagay pa ring nangyayari sa kabila ng pandemya.
Noong nakaraang linggo, tumanggap ng prestihiyosong parangal ang ilan nating kababayan.
Una ay si Ginoong Roberto “Ka Dodoy” Ballon, isang lider-mangingisda mula sa Zamboanga Sibugay. Pinarangalan siya ng Ramon Magsaysay Award Foundation para sa kanyang pagsusumikap na samahan ang kanyang kapwa mangingisdang buhayin ang isang namamatay na industriya. Kinilala ang pagpupunyagi ni Ka Dodoy na palaguin ang pangisdaan at paunlarin ang buhay ng mga mangingisda sa kanilang bayan. Ayon kay Ka Dodoy, umaasa ang kanilang mga pamilya sa dagat para sa kanilang kabuhayan, hindi sa mga politiko o ibang mga tao, kung kaya’t nararapat lamang na pangalagaan nila ang karagatan.
Sa loob ng tatlong dekada, si Ka Dodoy at ang mga kasamahan niyang mangingisda ay nagtulung-tulong na magtanim ng mga bakawan o mangroves sa baybayin ng bayan ng Kabasalan. Sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon, nakapagpasimula rin ang kanilang grupo ng ilang proyektong pangkabuhayan katulad ng produksyon ng talaba at alimango, at pagtatanim ng seaweed. Ang ginawa ni Ka Dodoy at kanyang mga kasama ay konkretong pagsasabuhay ng responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa tao noong tayo ay Kanyang nilikha. Sabi nga sa Genesis 1:28, “Kayo’y maging mabunga at magpakarami, punan ang mundo, at supilin; at mamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa bawat may buhay na gumagalaw sa mundo.” Si Ka Dodoy ay isa sa limang awardees at ang tanging Pilipinong pinarangalan ng Ramon Magsaysay Award Foundation ngayong 2021.
Ang ikalawang binigyang-parangal ay si Binibining Lou Sabrina Ongkiko, isang English teacher sa Culiat Elementary School dito sa Quezon City. Isa siya sa sampung Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ngayong taon. Kasama niya ang tatlo pang guro, tatlong sundalo, at tatlong pulis na nagpapamalas ng malasakit at integridad sa kanilang trabaho o propesyon. Noong 2020, pinangunahan ni Teacher Sab ang isang learning community program at mga pamamaraan sa pagtuturo katulad ng pagsusulat ng lesson scripts at pagkakaroon ng klase sa Facebook na nagsilbing blueprint para sa ibang paaralan at sa Department of Education (o DepEd).
Bilang tagapagsalita ng mga kapwa niyang gurong awardees, nagpasalamat si Teacher Sab sa kanilang mga estudyante na dahilan kung bakit sila nasa propesyon ng pagtuturo. Aniya, nabigyan sila ng pagkakataon at sagradong tungkuling kilalanin, protektahan, paunlarin, at ilabas ang pinakamahusay sa bawat mag-aaral. Tunay na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng ating mga guro dahil nagiging instrumento sila ngpagtataguyod sa dignidad ng tao, isang prinsipyong pinahahalagahan ng mga panlipunang turo ng Simbahan. Ang mga gurong katulad ni Teacher Sab ay buháy na patotoo ng nasasaad sa Titus 2:7: “Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian, ang kahusayan.”
Mga Kapanalig, bugbog man tayo sa mga hindi magandang pangyayari at nakatatakot na balita araw-araw, at nangangamba man tayo sa maaaring mangyari sa hinaharap, nakasusulyap at mapupukaw pa rin tayo ng mga kuwento ng pag-asa sa pamamagitan ng mga kababayan nating katulad nina Ka Dodoy, Teacher Sab, at ang mga kasamahan nilang pinarangalan. Hindi sila mga perpektong tao, ngunit sa kanilang mga gawa, napatunayan nilang ang karapatan sa pag-asa, ayon nga kay Pope Francis, ay isang karapatang hindi kailanman makukuha sa atin.