785 total views
Kapanalig, hindi natin matatatwa na ang ang social media sa ating bayan ay babad na babad sa disimpormasyon at poot. Naglipana ang fake news at hate speech sa internet. Ang nakakalungkot dito kapanalig, nasasalin na rin ito sa ating puso at isipan.
Ating naranasan sa kasagsagan ng pandemya na naging mas mahirap labanan ang sakit dahil sabay sabay ang pagdaloy ng siyentipikong impormasyon ukol sa COVID-19 at ng mga fake news ukol dito. Mas marami pa nga minsan ang naniniwala sa mga sabi-sabi at sa mga haka-haka ukol sa COVID-19 kaysa sa mga science-based information ukol dito. Mas madali kasing napapakalat ang fake news. Kadalasan, nakabalot pa ito sa mga mala-meme at mas nakaka-intriga o controversial na mga mensahe. Ayon nga sa Director General ng World Health Organization sa 2020 Munich Security Conference, hindi lamang pandemic ang ating nilabanan, pati na infodemic. Nakita natin kapanalig, na nakakamatay ang maling impormasyon. Pero, patuloy pa rin itong naglilipana.
Sa ating bansa, ang fake news ay patuloy pa rin habang unti-unti na tayong nakakabangon sa pandemya. Pinaigting pa ito ng katatapos na eleksyon. Hanggang ngayon, mainit pa rin ang paksyon sa social media. Nakahiwalay pa rin ayon sa kulay ng pulitika ang usapin ng marami. Mas lumalawig ang separasyon na ito dahil na rin sa patuloy na pagdami ng fake news at hate speech.
Ang social media kapanalig, ay malaking bahagi na ng ating buhay. Dito na tayo nag-didiskurso ukol sa maraming isyu ng lipunan. Tayo nga diba, ang social media capital sa buong mundo dahil tayo na ang may pinaka-mataas na social media usage – mahigit apat na oras kada araw. Liban pa dito, lampas pa sa 80% ng mga Filipino ang aktibo sa social media. Makapangyarihan ang social media sa ating bayan, kahit hina-hijack na ito ng mga manlilinlang.
Kapanalig, ibahin naman sana natin ang pag-gamit ng social media sa ating bansa. Gawin naman natin itong espasyo ng pag-ibig, pagkakaibigan, at liwanag. Andami ng Filipinong naniniwala sa social media, at karamihan, hindi kayang iberipika ang impormasyong kanilang nakakalap mula dito dahil maraming mga lehitimong news outlets o information sites ang may bayad o may paywall. Limitado din ang load nila.
Sa kanyang World Communications Day message noong 2018, sinabi ni Pope Francis, responsibilidad natin na i-check ang source ng ating mga binabahagi sa social media at tiyakin na hindi tayo nagkakalat ng galit o takot. Gawin sana natin na araw-araw na praktis o gawain ang paglilinis ng ating puso, isip, pati na rin ng ating mga binabahagi online. Kapanalig, pag-ibig at katotohanan lamang ang ating i-share sa social media. Ito ang daan upang ating malabanan ang fake news at poot na naghahari ngayon sa social media.
Sumainyo ang Katotohanan.