380 total views
Ito ang mensahe ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa paggunita ng World Day of the Poor ngayong taon.
Ayon kay Cardinal Advincula, lahat ng tao ay dukha sapagkat walang sinuman ang nagtataglay ng lahat maliban kay Hesus.
Hinimok ni Cardinal Advincula sa mamamayan na magkaisang labanan ang mga indibidwal na nagsusulong ng sariling interes gamit ang karukhaan ng kapwa.
“Sa ating paggunita ng World Day of the Poor, labanan natin ang anumang puwersya at istruktura ng pang-aapi, pagsasamantala, at paggamit sa mga dukha upang isulong ang kanilang makasariling interes at kapakanan,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Iginiit ng punong pastol ng Arkidiyosesis na ang pagdiriwang ng araw ng mga dukha ay magandang paalala sa bawat isa na lahat ay may pangangailangang bukod tanging ang Panginoon ang makapagbibigay.
Sinabi ng Kardinal na hamon ito sa sangkatauhan na magtulungan bilang isang bayan ng Diyos upang kalingain ang kapwa.
“Sa pagkilala natin sa ating karukhaan, natututo tayong dumamay at magmalasakit sa ating kapwa dukha,” ani ng Cardinal.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Cardinal Advincula ang Misa para sa natatanging intensyon ng mga maralita sa Manila Cathedral nitong November 15 kasama ang iba’t ibang organisasyon ng simbahan sa pangunguna ng Caritas Manila, ang social arm ng arkidiyosesis na nangangasiwa sa mga programang kapaki-pakinabang sa mahihirap na komunidad.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual humigit kumulang sa 400 milyong pisong halaga ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng gift certificates ang naipagkaloob sa halos 300-libong pamilya na kabilang sa ‘ultra-poor families’ sa buong bansa.
Bukod pa ito sa mahigit isang bilyong pisong halaga ng gift certificates na napakinabangan ng dalawang milyong indibidwal noong 2020 sa pananalasa ng pandemya sa bansa.
Hinikayat ni Cardinal Advincula ang mamamayan na magtulungan upang maibsan ang paghihirap ng kapwa.
“Magkaisa tayo upang maiahon sa kahirapan ang ating mga kapatid at mabuhay sila ng marangal at nararapat bilang mga anak ng Diyos,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Taong 2017 nang ilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang World day of the Poor sa Vatican bilang pakikiisa at pagkilala sa mga maralita sa lipunan na binibigyang halaga ng Simbahan.