628 total views
Mga Kapanalig, ayon sa 2022 Commitment to Reducing Inequality (o CRI) Index Report ng Oxfam at Development Finance International, nanatiling mahina ang pagtugon ng pamahalaan sa hindi pagkakapantay-pantay o inequality sa bansa. Sinusukat ng CRI index ang mga ginagawang tugon ng pamahalaan upang sugpuin ang inequality batay sa tatlong aspeto: paggastos sa mga pampublikong serbisyo (o public services spending), pagbubuwis (o taxation), at karapatan ng mga manggagawa at pasahod (o labor rights and wages). Batay sa report, pang-102 ang Pilipinas sa 161 na bansa pagdating sa paglaban sa inequality.
Sa public services spending, bumagsak sa 106 ang posisyon ng Pilipinas mula sa 99 noong 2020. Ayon pa sa report, bagamat tinatayang 20% ng badyet ng pamahalaan ay ginugugol sa edukasyon, kalusugan, at social protection, maliit pa rin ito kumpara sa mga karatig-bansa natin sa Asya. Kumpara sa 2020 CRI Index Report, bumaba ng halos 15% ang badyet para sa edukasyon, samantalang bahagyang tumaas ang badyet para sa kalusugan at 28% naman ang itinaas ng sa social protection. Para kay Lot Felizco, Oxfam Philippines director, sa gitna ng pandemya, nakadidismaya ang gastos-pangkalusugan ng pamahalaan kung saan mahigit 55% ng populasyon ang hindi naisasama sa coverage sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Sa usaping buwis, nasa 104 lamang ang ranggo ng Pilipinas. Mababang koleksyon ng buwis ang sinasabing pangunahing dahilan nito. Ayon sa report, 19% lamang ng potensyal na koleksyon ang nakukuha ng pamahalaan. Malayo ito sa 31% na average na potensyal na koleksyon sa Asya. Para sa Oxfam International, maaaring senyales ito ng malawakang hindi pagbabayad ng buwis ng mga mayayaman at mga negosyo at ng mahinang implementasyon ng mga patakarang may kinalaman sa pagbubuwis.
Sa lagay ng paggawa, pang-92 naman ang Pilipinas. Labis na nakababahala ang posisyon ng bansa pagdating sa paggalang sa karapatan ng mga manggagawa at unyon. Batay sa mga pamantayan ng International Labor Organization na ginamit sa report, ang Pilipinas ay nasa 146 sa 161 na bansa. Samantala, nananatiling nasa 13% lamang ng gross domestic product o kabuuang kita dito sa bansa ang minimum wage ng mga manggagawa. Inilalagay nito ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamababang minimum wage na maituturing na pag-abuso sa mga manggagawa.
Ang pagkakapantay-pantay ay tanda ng pare-parehong dignidad ng bawat nilikha ng Diyos. Naniniwala ang Simbahang lahat ay nilikhang kawangis ng Diyos kaya may pantay-pantay tayong dignidad. Hindi maituturing na kaunlaran ang pagpapasasà ng iilan sa kanilang yaman sa gitna ng paghihirap ng nakararami. Ito ay pagyurak sa dignidad ng tao at sa magandang plano ng Diyos para sa ating lahat. Katulad ng tanong sa 1 Juan 3:17: “Paanong mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang maykaya sa buhay sa sanlibutang ito kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito pinakikitaan ng habag?” Samakatuwid, ang pagkakaloob sa tao ng nararapat sa kanila ay tanda ng pag-ibig at habag. Ito ay pakikipagtulungan din sa hangarin ng Diyos na makamit ang isang mundong kinikilala at itinataguyod ang dignidad ng lahat.
Mahalaga ang papel ng pamahalaan sa pagsigurong patungo tayo sa mundong ito. Nakita natin sa 2022 CRI Report ang mga bahaging kailangang pag-ibayuhin ng pamahalaan upang epektibong matugunan ang tumitinding inequality sa bansa. Nariyan ang masinop at sapat na paggastos sa mahahalagang pampublikong serbisyo, masigasig na pangungulekta ng buwis, at tunay na pangangalaga at pagsusulong sa karapatan ng mga manggagawa.
Mga Kapanalig, bilang mga Kristiyano, tungkulin nating labanan ang hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Sama-sama tayong manawagan sa pamahalaan para sa maayos na mga pampublikong serbisyo, mahusay na sistema ng pagkolekta ng buwis, at makataong pasahod sa lahat ng manggagawa. Huwad ang kaunlaran kung marami ang naiiwang sadlak sa kahirapan.