236 total views
Tuklasin ang kapangyarihan ng pag-ibig na ipinamalas ng muling nabuhay na si Kristo.
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya ngayong Linggo ng Pagkabuhay ng Panginoon.
Ayon sa Arsobispo, tila nawawala na at hindi na madama ngayon ang pag-ibig sa mundo, dahil sa lumalaganap na mga suliranin tulad ng kagutuman, kawalan ng hanapbuhay, pagkalulong sa masamang bisyo, labis na pagkamuhi, pang-aabuso, maling pagpaparatang, kurapsyon, human-trafficking at pagpatay.
Gayunman, naniniwala ito na ang mga natitirang mumunting gawain ng kabutihan ay maaari nang ipantapat sa walang habas na paglaganap ng kasamaan sa mundo.
“What difference can one act of kindness make in the face of unrelenting evil? It can make all the difference in ways we can’t even imagine, how because these small acts of care and love are crowned by the total self-giving of Christ crucified on the cross.” bahagi ng Easter message ni Cardinal Tagle.
Kaugnay nito, hinihimok ng Kardinal ang lahat ng mga Kristiyano na ipinadama sa kapwa ang kabutihang ipinadama ni Hesus sa mga mahihirap at may sakit nang Siya ay nabubuhay pa.
Binigyang diin nito na ang personal na pagpapadama ng pag-ibig at pagkalinga sa kapwa ay makapghahatid ng pag-asa.
“We are called as Christians to encounter others and walk with them humbly, without judgement or pretensions of having the answer to all their problems. It is through these encounters that our hearts are opened and presented with a new horizon and a renewed energy to move forward. It is through these encounters of love and caring that persons, families and communities are transformed from prisoners of despair into bearers of hope.” Dagdag pa ng Kardinal.
Samantala sa personal na mensahe ni Cardinal Tagle sa mga kapanalig, umapela din ito na buksan ang mga mata ng mananampalataya sa maliliit na gawa ng pag-ibig dahil ito ang papawi sa kadiliman.
Sinabi pa nito na kahit wala ang enggrandeng pagdiriwang sa Pagkabuhay ng Panginoon, ang munting pagdiriwang at munting pamamaraan ng pagpapanibago, pagpapabuti ng buhay, pagiging makatotohanan, makatarungan at mapagmahal, ang magiging dahilan ng selebrasyon ng Pagkabuhay ni Hesus.
“Ang atin pong pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesus ay hindi kailangang enggrande, hindi kailangang maghanap ng malalaki agad na solusyon, ikaw sa iyong munting pamamaraan, maging makatotohanan, maging makatarungan, maging mapagmahal, maging magalang, maging tunay na tao, tunay na Pilipino, tunay na Kristiyano, kahit yan ay sa maliit na bagay ikaw ang muling pagkabuhay ni Kristo sa ating mundo. Ikaw nawa ang maging celebration ng Easter.” Pahayag ni Cardinal Tagle sa Radyo Veritas.