353 total views
Hinimok ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang mananampalataya na manindigan sa katotohanang hatid ng Panginoong Hesus.
Ito ang pagninilay ng kinatawan ni Pope Francis sa pagdeklarang Minor Basilica ng La Inmaculada Concepcion Parish sa Sta. Maria Bulacan.
Ayon kay Archbishop Brown, ang Mahal na Birheng Maria ang ina ng katotohanan kaya’t mahalagang pagyamanin ang pakikipag-ugnayan sa kanyang anak na si Hesus upang mapaglabanan ang kasinungalingang ipinalalaganap sa lipunan.
“Mary is the Mother of truth; let us be children of the truth, let us be disciples of Jesus, let us follow his way of truth and life through Mary and together with Mary,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Ipinaliwanag ng nuncio na ang paggawad bilang minor basilica ng simbahan ay tanda ng pagiging kaisa ng parokya sa Roma at sa Santo Papa.
Sa panayam ng Veritas Patrol kay Archbishop Brown, ibinahagi nitong biyaya ng pananampalataya ang Minor Basilica and Parish of La Purisima Concepcion lalo’t ipinagdiriwang ng bansa ang ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo kung saan isa sa simbolo ng paglago ang mga simbahan sa bansa.
“It is a gift of faith to the Filipinos, the beauty of the church; it is also a spiritual gift from the Holy Father to the Diocese of Malolos,” ani Archbishop Brown.
Sinabi naman ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na isang hamon ng pagmimisyon ang pagkakatalagang basilica ng simbahan upang higit na lumagap ang pananampalatayang nakaugat kay Kristo.
“We are challenge to be missionaries wherever we find ourselves in,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Sinabi ng cardinal na napapanahon ang pagdeklara ng basilica sa pagsisimula ng simbahan sa pangunguna ni Pope Francis ng ‘synodal journey’ sa temang ‘“For a Synodal Church: Communion, Participation, and Mission’.
Itinuring naman ni Basilica Rector Msgr. Alberto Suatengco na isang himala ng Mahal na Birhen ang pagdeklarang basilica makalipas ang 230 taon ng simbahan.
Itinatag ng mga Franciscanong misyonero ang simbahan ng La Inmaculada Concepcion noong 1792.
Ito rin ang ikalawang simbahan ng diyosesis na itinalang minor basilica kasunod ng Malolos Cathedral.
Sa kasalukuyan may 19 na simbahan sa Pilipinas ang itinalaga ng Vatican bilang minor basilica.