423 total views
Mahalaga ang lahat ng mga impormasyon at paraan na maaring makatulong sa mga botante upang matalinong makapili ng ihahalal sa nakatakdang eleksyon sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa panibagong serye ng LAIKO Online Conversation bilang patuloy na paghahanda sa nakatakdang National and Local elections sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, kasabay ng papalapit na halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022 ay mas higit na kinakailangang paigtingin ang mga hakbang upang magabayan ang bawat botante na maging mapanuri sa pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal na mga opisyal ng bayan.
“The May 9, 2022 election is fast approaching and anything that gives us information or guidance to make a proper decision of whom to vote for this coming election is a great value and importance.” pahayag ni Bishop Macaraeg.
Tema ng naging talakayan ang “The Truth Shall Set You Free” kung saan tinalakay ang malaking hamon sa bawat isa partikular na sa Simbahan na labanan ang laganap na infodemic tulad ng laganap na fake news ngayong panahon ng eleksyon.
Ipinaliwanag ni Laiko President Raymond Daniel “Jun” Cruz, Jr. na layunin ng LAIKO online conversation na bigyang diin ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng katotohanan.
Ayon kay Cruz, nawa ay magkaisa ang lahat sa pagpili at paghahalal ng mga kandidato na muling makapagbabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
“The truth will set you free, we hope that we can trust and bring people whom we could trust.” Pagbabahagi ni Cruz.
Iginiit ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng lahat ng 67-milyong mga botante upang maisulong ang tapat na halalan at mabuting pamamahala sa bansa.