758 total views
Labor first policy o pagpapaunlad sa mga manggagawa ang pangunahing adhikain ni presidential aspirant Leodegario ‘Ka Leody’ De Guzman sakaling mahalal bilang Pangulo ng bansa sa nalalapit na halalan sa May 9.
Ipinaliwanag ni de Guzman “Ang Labor First Policy” ay para sa lahat ng mga Filipino na obligadong magtrabaho para mabuhay,’ ayon kay De Guzman.
Si De Guzman o kilala bilang ‘Ka Leody’ ang unang humarap sa bayan sa isinagawang Catholic E-Forum na bahagi ng ‘One Godly Vote’ election campaign ng Radio Veritas at Archdiocese of Manila.
Ayon kay De Guzman, layunin ng kaniyang pamahalaan ang bigyang pagpapahalaga ang mga manggagawa na bumubuo sa 90 porsiyento ng ekonomiya ng bansa, mula sa mapagsamantalang kapitalista.
‘Kasalanan ng gobyerno dahil mas pabor na pabor sa big business. May ngipin sya (pamahalaan) laban sa mga manggagawa, pero wala siyang ngipin para bawasan ang pagkagahaman ng malalaking negosyante dito sa ating bansa,” ayon kay De Guzman.
Sinabi ni De Guzman na kinakailangan ng bansa na ituon ang serbisyo sa publiko at buwagin ang monopolyo na nagpapahirap sa mga manggagawa.
Tiniyak din ni De Guzman ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at ang pagkakaroon ng ‘Food sovereignty’ sa pamamagitan ng pagtatanggal ng rice tariffication law.
Hindi rin sang-ayon si De Guzman sa muling pagsasabatas ng parusang bitay sa Pilipinas.
Naniwala si De Guzman na may kinalaman ang droga at krimen sa kahirapan ng taong bayan na mas dapat bigyan ng tugon ng pamahalaan.
‘Siguro klaro na yan sa ginawang war on drugs na ginawa ni Pangulong Duterte. Kill, kill, kill yung kaniyang patakaran. Umabot na ng 30 thousand yung mga namatay pero patuloy pa rin ang problema sa droga,’ ayon kay DeGuman.
Pabor naman si De Guzman sa ‘decriminalization of abortion’ upang mabawasan ang pagkamatay ng mga kababaihan na sumasailalim sa lihim na operasyon ng ‘pagpapalaglag’ dulot ng ‘unwanted pregnancy’.
Isusulong din ni De Guzman ang electoral reform, at ang pagkakaroon ng enabling laban sa ‘political dynasty’, Kasama naman ni De Guzman sa Partido Lakas ng Masa si vice presidentialble Walden Bello.
Muling namang inaaanyayahan ng Radyo Veritas ang publiko lalo na ang mga botante na makibahagi sa isinasagawang E-Catholic Forum ng Radio Veritas bilang bahagi ng voters education campaign na One Godly Vote bilang paghahanda sa nalalapit na halalan.
Ang E-Catholic one on one Forum ay inilunsad ngayong araw hanggang sa April 9 tuwing ika-walo hanggang ika-10 ng umaga na mapapakinggan sa RAdio Veritas at ilan pang katolikong himpilan at social media accounts.
Tampok na panauhin ang mga kandidato sa pinakamatataas na posisyon ng pamahalaan- o ang mga tumatakbo sa pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga senador.
Bukas araw ng Martes, magiging panauhin naman si Dr. Jose Montemayor Jr. ng Democratic Party of the Philippines.
Nagsisilbi namang tagapagpadaloy ng talakayan si Angelique Lazo Mayuga kasama si Fr. Jerome Secillano ng Public Affairs Permanent Committee ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.