410 total views
Ikinalungkot ng opisyal ng migrants ‘ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang malawakang diskriminasyong naranasan ng mga migrante at refugee sa buong daigdig
Sa mensahe ni Romblon Bishop Narciso Abellana, chairman ng komisyon sa National Migrants Sunday at World Day of Migrants and Refugees, binigyang diin nito ang hirap na pinagdaanan ng mga refugee dahil sa pagkakaiba sa lahi, kulay at maging sa kasarian.
“The life of a migrant is not easy, and more difficult is that of the refugee, biases and discrimination still exist even among us who called ourselves Christians who claim that we are Christian and we belong to the catholic or the universal church,” bahagi ng pahayag ni Bishop Abellana.
Umaasa ang obispo na higit palaganapin ng mananampalataya ang pakikipagkapwa tao lalo na sa mga dayuhan at mga refugees.
Malaking hamon sa bawat krsitiyano na isabuhay ang turo ni Kristo na handang kumalinga sa kapwa na nangangailangan tulad ng mga migirante at refugees na naghahanap ng kanlungan dahil sa labis na kahirapan, kagutuman at karahasan.
“We are reminded to be inclusive not only in the use of language but more importantly our human relationship,” ani Bishop Abellana.
Hango sa tema ng pagdiriwang na ‘Ever Wider We’ tinuran ni Bishop Abellana ang ensiklikal na Pope Francis na ‘Fratelli Tutti’kung saan hinikayat ang bawat mananampalataya sa pakikipagkapwa bilang mga anak ng Diyos.
Iginiit ng opisyal na dapat hindi katakutan ng mamamayan ang pagkakaiba-iba subalit isabuhay ang pangangalaga sa kapwa lalo na sa higit nangangailangan at maliliit na sektor ng lipunan.
“Many times, we are afraid of diversity; however, diversity can enrich us thus diversity should even be welcomed,” giit ni Bishop Abellana.
Sa datos naman ng United Nations Refugee Agency nasa 82 milyong indibidwal ang napilitang lumikas sa kani-kanilang bansa dahil sa kagutuman,kahirapan at karahasang naranasan.
Pinaigting naman sa Pilipinas ang mga programa ng migrant’s ministry ng simbahan na nangangasiwa at tumutugon sa pangangailangan ng mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers.