243 total views
Kapanalig, ngayong undas, marami sa ating mga kababayan nahihilig sa mga nakakatakot na istorya. Kung susuruin natin, kapanalig, maraming ng mga kahindik-hindik na mga tunay na pangyayari. Lalo na nga kung kalikasan ang pag-uusapan, hindi na kailangan pa ng mga kwento. Datos na ang magbibigay ng tunay na nakaka-alarmang storya.
Ayon sa UN International Strategy for Disaster Reduction (UNISDR), umabot na ng $1.4 trillion dollars ang total damage ng mga natural disasters sa buong mundo mula 2005 hanggang 2014. 1.7 billion na katao naman, kapanalig, ang naapektuhan ng mga disasters o sakuna sa parehong timeframe. Ang nakakalungkot dito kapanalig, 0.7 million na tao ang namatay dahil sa mga natural na sakuna mula 2005 hanggang 2014. Ilan sa mga disasters na nagdulot ng mga pinsalang ito ay lindol, tsunami, bagyo, at pagbabaha.
Sa ating bansa, kapanalig, naramdaman natin lahat ng mga sakunang ito. Bilang isang bansa na nasa ring of fire at typhoon belt, ang lindol at bagyo ay mga natural na pangyayari na ating tuwinang pinaghahandaan. Base sa datos ng UNISDR, ang Pilipinas ay pangatlo sa Top 10 na bansang nakaranas ng pinakamaraming disasters mula 2005 hanggang 2014.
Ang bagyo, kapanalig, ay hindi biglaan dumarating sa ating bansa, ngunit lagi itong dumarating. Sa panahon nga ngayon, kahit inaakala natin na dry season na, minsan bumabagyo pa rin, Ang paghahanda sa bagyo ay paghahanda rin sa daluyong at pagbaha. Kapanalig, kailangan din natin ng pag-aalaga sa kalikasan, dahil ang pagbaha at iba pang epekto ng bagyo ay kadalasang galing din sa ating kapabayaan.
Ang lindol naman kapanalig ay biglaan. Ngunit hindi kailangan maging malaki ang pinsala ang dadalin nito lalo na kung ang ating lipunan ay handa: sumusunod sa building code, lumalayo sa earthquake faults, at laging nag-ea-earth quake drill upang alam nating lahat ang gagawin kapag dumating ang sakuna na ito.
Kapanalig, ngayong darating na November 5, gugunitain naman ang World Tsunami Awareness day. Ito ay isa lamang sa mga paraan ng ating global na lipunan na paghandaan ang ganitong uri ng sakuna. Ayon pa rin UNISDR, walang “season” ang tsunami; ngunit sa lumipas na 25 na taon, 11 milyong kataon na ang naapektuhan nito, at mga 250,000 ang nawalan ng buhay dahil dito.
Marapat lamang kapanalig, ngayong undas, sa halip na kwentong lagim ang ating pag-usapan, ang lagim naman ng mga natural na sakuna ang ating bigyang pansin. Ito ay tunay na nakakatakot, lalo na kung di natin paghahandaan.
Gawin nating gabay at inspirasyon ang mga kataga mula kay Pope Francis sa kanyang mensahe noong World Food Day 2014: Ang pagbibigay depensa sa ating mga komunidad laban sa mga seryosong banta gaya ng natural na sakuna ay hindi lamang dapat isang stratehiya. Ito ay dapat nating maging permanenteng aksyon.