372 total views
Inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na magtitipon ang mga parokya at munting komunidad sa iisang hangaring maibahagi ang kalagayan ng simbahan sa lipunan.
Ito ang mensahe ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles sa paglulunsad ng pre-synodal consultations sa Pilipinas sa October 17, 2021.
Ipinaliwanag ng arsobispo hindi ito pangkaraniwang pagtitipon kundi isang mahalagang paglalakbay ng sama-sama tungo sa maunlad na misyon ng simbahan.
“We will gather together in small circles in parishes, schools and basic ecclesial communities to pray together and ask the Spirit to lend us His eyes and mind and heart. We will look at two landscapes not with our eyes but with the eyes of the Lord,” ayon kay Archbishop Valles.
Kabilang sa tatalakayin sa diocesan level ang paksang ‘How is our Church within?’ na layong malaman ang tunay na kalagayan ng simbahan sa komunidad o ang mga parokya at ang ‘How is the Church together with the entire human family?’.
Batid ni Archbishop Valles ang iba’t ibang hamong kinakaharap ng simbahan sa paglipas ng panahon kabilang na rito ang usapin ng pang-aabuso na kinasangkutan ng mga lingkod ng simbahan, financial scandals, at iba pang mahahalagang usapin na dapat tugunan.
“In looking at the Church from the inside and looking at the Church with the entire human family, we cannot ignore the signs of our times,” saad ng arsobispo.
Binigyang pansin din ng pangulo ng CBCP ang ‘biblican inspirations’ ng simbahan: si Jesus na tagapagdala ng Mabuting Balita; ang mananampalatayang humihingi ng kaligtasan; at ang mga apostol na naging daan upang makilala si Jesus ng sangkatauhan.
Tiniyak ng arsobispo ang pakikinig sa mga ibabahagi ng komunidad sa isasagawang pre-synodal consultations upang maipaabot at tatalakayin sa pagpupulong ng mga obispo sa buong daigdig sa October 2023.
Kaugnay dito inaasahang matatapos ang diocesan level ng sinodo sa February 11, 2022 at makapagsumite ng dokumento ang bawat diyosesis sa CBCP.
Itinakda naman sa March 7 – 9, 2022 ang national level ng pre-synodal consultations upang pagsama-samahin ang mga report na isusumite sa Synod Office ng Vatican sa Abril 2022.