1,353 total views
Hinikayat ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth ang mga diyosesis sa bansa na magpadala ng kinatawan sa National Youth Day sa June 10 hanggang 14, 2025.
Ayon sa komisyon, mabisang pagkakataon ang NYD 2025 na gaganapin sa Archdiocese of Caceres partikular sa Pilgrim City of Naga upang pagbuklurin ang mga kabataan at sama-samang maglakbay tungo sa paglago ng pananampalataya.
“It is our hope that the pilgrims will deepen their faith-experience, fellowship with co-pilgrims,” ayon sa pahayag ng CBCP-ECY.
Layunin din ng pagtitipon na palaganapin ang diwa ng kasiyahan sa mga kabataang nakaugat sa pananampalataya at pagkakilanlan; Patatagin ang bawat kabataan upang maging handa sa anumang hamong kakaharapin; Buksan ang kamalayan ng mga kabataan upang tulad ng Mahal na Birhen ay magiging mas mapanuri at maging aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan; magpahayag at magbahagi ng makabululhang pagsusuri hinggil sa mga napapanahong usapin na kinakaharap ng mundo alinsunod na rin sa kahilingan ng Papa Francisco sa paghahanda ng Jubilee Year sa 2025.
Tema ng NYD 2025 ang ‘Rejoice in hope, endure in affliction, persevere in prayer’ na halaw mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga Roma kabanata 12 talata 12 kung saan binibigyang diin na manatiling umasa at magtiwala sa Diyos sa kabila ng mga hamong kinakaharap.
Isasabuhay din sa pagtitipon ng mga kabataan ang habag at katarungan sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga usaping panlipunan tulad ng slavery, human trafficking, at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan dahilan ng mga paglabag sa karapatang pantao lalo na sa mga katutubo, mahihirap at mahihinang sektor.
Sinasalamin naman ng logo ng NYD 2025 ang karanasan ng mga Bicolano sa nagdaang Bagyong Kristine na bagamat lubos na apektado ang buong rehiyon ay nanatiling buhay ang pag-asa sa pamamagitan ng mga panalangin sa Panginoon at sa pamamatnubay ng Mahal na Birhen ng Penafrancia.
Tampok sa limang araw na pagtitipon ang pilgrimage ng mga kabataan sa pitong pilgrim churches ng Naga, traslacion procession, plenary formations, workshops, immersion, enthronement sa patrona ng Bicolandia at pagmamanto, at higit sa lahat ang pagdiriwang ng mga Banal na Misa.
Sa mga nais lumahok sa NYD 2025 makipag-ugnayan sa mga tanggapan ng Commission on Youth sa bawat diyosesis para sa karagdagang detalye o makipag-ugnayan sa CBCP – ECY.