179 total views
Umaasa si dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales na mas marami pang mga Obispo ang magbubukas ng kanilang mga Simbahan upang magsilbing sangtuwaryo ng mga nangangailan ng proteksyon sa gitna ng patuloy na karahasan sa lipunan.
Ito ang naging pahayag ni Rosales, kasunod ng pagbibigay suporta kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David mula sa mga alegasyon ng obstruction of justice dahil sa pagbibigay proteksyon at kustodiya ng mga menor de edad na testigo sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Delos Santos sa Brgy. Sta. Quiteria, Caloocan City noong ika-16 ng Agosto.
Ayon sa dating opisyal mahalaga ang suporta at gabay ng Simbahan para sa lahat ng mga nangangailangan ng matatakbuhan mula sa marahas na sitwasyon sa bansa.
“mga ibang Obispo nananawagan po kami, nag-aapela po kami sa inyo na lubos naming sinusuportahan ang ganda ng ginagawa ninyo sa Simbahan na sinasabi niyo na bawal ang pumatay at saka bawal ang magnakaw kapag sinasabi ninyo yan, natutuwa kami pero sana rin mas magbukas kayo, buksan ninyo ang mga Simbahan ninyo upang sa ganun yung mga ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong ay mabigyan ng sanctuary dahil the more that you do this the better it is for them…” pahayag ni dating CHR Rosales sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagsuporta ang dating opisyal sa pagkupkop at pagbibigay proteksyon ng Diocese of Caloocan sa mga menor de edad na testigo sa kaso ni Kian Delos Santos.
Paliwanag ni Incoming CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, hindi mga kriminal sa halip ay mga menor de edad na testigo sa krimen ang pinoproteksyunan ng Diocese of Caloocan upang makamit ang katarungan kaya’t walang nilalabag na batas ang Simbahan sa pagbibigay proteksyon sa mga kabataang saksi.
Bukod dito una ring nanindigan si Bishop David na handa ang Simbahan na magsilbing sangktuwaryo ng mga nangangailangan ng proteksyon at paggabay mula sa marahas na lipunan.