3 total views
Binuksan na ng mga diyosesis sa Bicol Region ang mga simbahan bilang pansamantalang matutuluyan ng mga magsisilikas dahil sa banta ng Super Typhoon Pepito.
Simula pa kahapon, nag-anunsyo na ang mga parokya mula sa Archdiocese of Caceres at Diocese of Libmanan (Camarines Sur), Diocese of Daet (Camarines Norte), Diocese of Virac (Catanduanes), Diocese of Legazpi (Albay), Diocese of Sorsogon, at Diocese of Masbate na bukas ang kanilang mga simbahan at iba pang pasilidad para sa mga pamilyang lumikas mula sa mga lugar na nasa mataas na panganib ng daluyong, pagbaha, at pagguho ng lupa.
Bukod sa paglalaan ng ligtas na evacuation centers, tiniyak din ng mga diyosesis ang kahandaan sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente dulot ng Bagyong Pepito.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng Super Typhoon Pepito sa silangan ng Catarman, Northern Samar, at patuloy na kumikilos patungong Bicol Region.
Nakataas na ang Signal No. 4 sa Catanduanes at hilagang-silangang bahagi ng Camarines Sur, habang nasa Signal No. 3 naman ang silangang bahagi ng Camarines Norte, hilaga at timog-silangang bahagi ng Camarines Sur, silangang bahagi ng Albay, hilagang-silangang bahagi ng Sorsogon, silangang bahagi ng Northern Samar, at hilagang bahagi ng Eastern Samar.
Hinihikayat ang lahat ng apektadong residente na makinig sa mga babala ng PAGASA at sumunod sa mga utos ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan.
Una nang humiling ng panalangin si Antipolo Bishop Ruperto Santos na nawa’y ipadama ng Panginoon ang Kanyang mapagkalingang yakap upang maligtas ang bansa sa mapaminsalang epekto ng Super Typhoon Pepito.