525 total views
Nagdeklara ng lockdown ang Diocese of Novaliches na ipatutupad simula sa Lunes, ika-22 ng Marso 2021.
Ito ang inanunsyo ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa kanyang Healing Mass sa Radio Veritas kasunod ng pakikipagpulong sa alkalde ng Quezon City kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular na sa siyudad.
Ayon sa Obispo, nakalulungkot at nakababahala ang muling pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa kaya’t mahalagang magkaisa ang lokal na pamahalaan at maging ang Simbahan upang mapigilan ang patuloy pang pagkalat nito.
Inihatag ni Bishop Gaa na simula sa ika-22 ng Marso ay pansamantalang ipagbabawal ang personal na pagdalo ng mananampalataya sa mga banal na misa o ang face-to-face mass sa lahat ng parokya sa diyosesis.
Muli namang paiigtingin ng diyosesis ang pagsasagawa ng mga online masses upang maiwasan ang pagkakalantad sa virus ng mananampalataya.
“Nag-usap po kami ni Mayor Joy [Belmonte of Quezon City] kasi nga po itong datos [rise on COVID-19 cases] po na ito ay talagang nakakatakot at nakakapanlumo at kung ganyan po yung datos kailangan din po ng drastic measure to avoid a sort of disaster. Kaya po sa Diocese of Novaliches ay simula po Lunes kami po ay magdideklara ng Lockdown, ibig sabihin po ay walang face-to-face na mga misa na. Nakakalungkot kasi babalik na naman po sa camera ang kausap namin pero kung ito naman po ay alang-alang sa buhay ng ating mamamayan ay gagawin po natin ito, patuloy pa din po ang mga online masses hindi po ititigil ang online masses.” bahagi ng anunsyo ni Bishop Gaa sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Obispo na maunawaan ng bawat isa ang kasalukuyang sitwasyon at patuloy na banta ng COVID-19 sa buhay.
Hinikayat rin ni Bishop Gaa ang lahat na patuloy na gawin maging sa loob ng tahanan ang safety health protocol upang maprotektahan ang pamilya mula sa sakit kung saan batay sa datos ay 48% sa naitatalang bagong kaso ng COVID-19 ay dulot ng hawaan sa loob ng tahanan o sa pamilya.
Pinayuhan ng Obispo ang bawat isa na mag ingat at sikaping maiwasang mahawa ng sakit.
“Ngayon po ay 48%, 48% ng lahat itong nasa 7,000 plus, 48% ay nanggagaling po sa infection ng household ibig sabihin sa bahay na po nangyayari yung mga infection, kailangan po mas mahigpit yung ating pagpapatupad sa bahay nitong mga ganitong protocol. Huwag po tayong umasa na sa labas lang, sa mga establisyemento lang natin gagawin ang mga ito [safety protocol] baka kailangan din nating gawin sa bahay, tayo ay magdisinfect, pag-uwi mo sa bahay hubarin mo ang lahat ng suot, maligo, maghugas ng kamay at dun palang magiging normal ang lahat kasi kung hindi po natin gagawin yun patuloy pong tataas yung 48% na yan. Wala po tayong aasahan kundi sarili lang natin, kaya sana lalo tayong magsikap at maging masinop itong kasalukuyang panahon.” Dagdag pa ni Bishop Gaa.
Samantala, pag-aaralan pa ng Diyosesis ng Novaliches na binubuo ng halos 70 mga parokya na nangangasiwa sa buhay espiritwal ng may halos 2-milyong mananampalataya ang muling pagbubukas sa mga Simbahan sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Kaugnay nito, nagdeklara na din ng dalawang linggong lockdown ng Diocese of Cubao mula ika-22 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril upang higit na mahikayat ang mga mananampalataya na manatili sa kanilang mga tahanan bilang pag-iingat mula sa COVID-19 virus.
Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, bagamat mabigat sa dibdib ang muling pagsasara ng mga Simbahan lalo na sa gitna ng patuloy na paghahanda sa Semana Santa na isang mahalagang panahon para sa mga mananampalatayang Katoliko ay kinakailangan naman itong gawin para sa kapakanan ng mas nakararami.
“Voluntarily closing our places of worship at the highest point of our liturgical year is heartbreaking. But we also open our eyes to a situation that puts many of our faithful at risk. Numbers are surging and scientific data show that unless drastic interventions are done, these numbers will not decline anytime soon.” ang bahagi ng pahayag ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco.