213 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Kalookan ang pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan para sa pagsasagawa ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan laban sa virus.
Ayon kay Fr. Rene Richard Bernardo, Health Care Priest Minister ng diyosesis, nakahanda at aktibo ang simbahan sa pagtulong at pamamahagi ng bakuna upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa banta ng nakakahawang sakit.
Saklaw ng Diyosesis ng Kalookan ang mga parokya mula sa mga lungsod ng Kalookan, Malabon, Valenzuela at Navotas.
“Lahat ng simbahan, actually, ang directive ni Bishop [Pablo Virgilio David] sa ministry at sa lahat ng kaparian is to open the churches. At kung saan kami pwedeng tumulong, ay talagang kami’y tutulong at nakahandang tumulong to expedite ‘yung mga numbers ng mababakunahan, at the same time ay yung maise-save na buhay,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bernardo sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Bernardo na isa ring registered pharmacist, na sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit-kumulang limang libong Sinovac at AstraZeneca vaccines ang naipamahagi ng Diyosesis.
Kabilang naman sa mga naunang tumanggap ng vaccine ay ang mga pari ng diyosesis, religious, mission station chaplains, at iba pang mga volunteers na katuwang sa pagsasagawa ng vaccination program sa bawat parokya.
Pagbabahagi naman ng pari na bagamat marami sa mga parokyang sakop ng Diyosesis ang nais gawing vaccination facility, suliranin naman ng bawat lokal na pamahalaan ang kakulangan sa suplay ng bakuna.
“Actually, marami pang mga simbahan na kino-consider na maging vaccination site… Ang mga simbahan dito sa Diocese of Kalookan ay actively participating dito sa mga parish vaccination program. Kaya nga lang pagdating sa LGU, wala silang sapat na bakuna,” ayon kay Fr. Bernardo.
Samantala, mensahe naman ni Fr. Bernardo na maliban sa pananalangin na malunasan na ang umiiral na pandemya, dapat ring kumilos ang publiko nang naaayon para sa kaligtasan ng bawat isa laban sa banta ng nakakahawang sakit.
“Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa… Naririyan ang awa ng Diyos na hindi tayo magkasakit pero kailangan din naman, on our part na may gawin tayo. The only way and the best solution para maingatan tayo, una ay magpabakuna; at ikalawa, of course, [pagsusuot ng] facemask, faceshield… at proper handwashing,” saad ng pari.
Batay sa ulat ng Department of Health, umabot na sa mahigit 20-milyon ang naipamahaging COVID-19 vaccine sa bansa, kung saan 11-milyon dito ang nakatanggap na ng unang dose, habang nasa higit 9-milyon naman ang nakatanggap na ng ikalawang dose at kumpleto na sa bakuna.