202 total views
Ito ang binigyang diin ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa pagdami ng mga namamatay sa mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Pinayuhan ni Archbishop Arguelles ang pamahalaan partikular ang mga law enforcement agency na gabayan ang mga nagkasala sa batas na maging mabuting mamamayan at makapagbalik-loob sa Diyos sa halip na basta na lamang patayin ng hindi binibigyan ng pagkakataong magsisi at makapagbagong buhay.
“Kailangan diyan transformation, kahit na yung kriminal anak yan ng Diyos pati yung mga drug-lord. Kailangan ng transformation, Anong unang transformation? kung tayo ay may kinikilalang Diyos, magmalasakit tayo sa kapwa tao. Kapag inalis mo ang Diyos katulad ng ginagawa ng mga tao,lahat ay kalaban mo,”pahayag ni Archbishop Arguelles.
Inihayag ni Archbishop na ang pagbabagong hinahangad para sa lipunan ay dapat na magsimula sa sarili kaya’t mahalagang maibalik ang Diyos sa buhay ng bawat mamamayan tungo sa hinahangad ng bawat isa na pagbabago para sa bayan.
Unang nanawagan si Archbishop Arguelles sa kahalagahan ng partisipasyon at suporta ng komunidad, parokya at pamilya drug users at pushers para mabigyan ng pag-asang makapagbagong buhay at tuluyang masupil ang ilegal na droga.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police mula unang araw ng Hulyo hanggang ika-31 ng Agosto 2016, umaabot na sa 900 ang bilang ng mga namamatay sa operasyon ng mga pulis, nasa 12,930 drug suspects ang naaresto habang umaabot na sa 627,358 ang bilang ng mga drug users at pushers na kusang sumuko sa mga otoridad sa buong bansa.