245 total views
Pinangunahan ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang pagdiriwang ng ika-36 taon na pagkakakatatag ng Diyosesis ng Antipolo.
Bukod kay Bishop de Leon, naging katuwang din sa misa ng pasasalamat si Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco na ginanap sa Our Lady of Good Voyage Cathedral na dinaluhan ng mga pari ng diyosesis at mananampalataya ng Antipolo.
Sa kanyang pagninilay, ibinahagi ni Bishop De Leon sa mananampalataya ng Antipolo kanilang Ad Limina visit sa Santo Papa Francisco sa Roma noong Mayo.
Ayon sa Obispo, iminungkahi niya kay Pope Francis na tanggalin na sa mga obispo ang pamamahala o pagiging administrator ng diyosesis sa halip ay pamahalaan na lamang ito ng mga layko o ng mga madre.
“I think and I feel na it’s high time for us bishops na iwanan na ang administration ng diocese at ibigay na ‘yun sa competent laity or religious person or religious sister. At i-dedicate naming mga obispo ang aming sarili sa praying, preaching at sa new evangelization,” ayon kay Bishop De Leon.
Ipinaliwanag ni Bishop de Leon na sa ganitong paraan ay mapagtutuunan ng mga Obispo ang kaniyang pastoral duties lalu na ang new evangelization.
“Kaya ang kinakailangan natin sinabi ko sa Pope, is a competent lay person na hangga’t maari may managerial skill, hindi na siya financially burden, retired na. Puwede rin ang religious sister sapagkat if they can administer a school why can’t they administer a diocese. Sabi ng Pope sa akin na nangyayari na ’yan in places where there is a lack of priests like in Germany,” ayon pa sa kay Bishop De Leon.
Inihayag ng Obispo na maaring talakayin ng diyosesis sa mga susunod na taon ang kanyang panukala.
“The Pope did not say no, he did not object. Sabi lang niya na nangyayari na ‘yan, ginagawa na ‘yan. So why can’t we do it? Why do we wait until ang ating mga pari ay kumakaunti bago natin gawin ‘yun?” dagdag pa ng obispo.
Ayon pa kay Bishop De Leon, kabilang naman sa naging mungkahi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kay Pope Francis ang pagkakaroon ng permanent deacon sa Pilipinas.
Ipinapaubaya naman ng Santo Papa ang usapin na pagdesisyunan sa CBCP na inaasahang namang tatalakayin ang isyu ng pagkakaroon ng permanent deacon sa susunod na plenary assembly.
Taong 1983 nang mahiwalay at dating nasasakop ng Archdiocese ng Manila ang Antipolo nang ganap na ideklara ito bilang isang diyosesis na unang binubuo ng tatlong bikaryato at 21 parokya.
Simula ng pagkatatag bilang diyosesis ang Antipolo ay nagkaroon na ng apat na obispo na sina Bishops Protacio Gungon, Crisostomo Yalung, Gabriel Reyes na siyang hinalilihan ni Bishop de Leon.
Ang diyosesis ng Antipolo ay kasalukuyang may higit sa tatlong milyong mga katoliko na may 65 mga parokya na pinangangasiwaan ng 164 na mga pari.