806 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang bawat laiko na makibahagi sa nakatakdang National Laity Week.
Ibinahagi ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg – chairman ng kumisyon, na nakatakda ang paggunita ng National Laity Week sa ika-24 ng Setyembre hanggang unang araw ng Oktubre.
Tema ng National Laity Week 2022 ay “Journeying together and reflecting together on the journey that has been made: Communion, Participation and Mission” na hango sa panawagan ng Santo Papa Francisco na Synod on Synodality.
“Sa ngalan po ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay inaanyayahan ko kayo mga kapatid naming laiko na makiisa at makibahagi sa pagdiriwang natin ng National Laity Week na gaganapin sa September 24 hanggang October 1, 2022. Ang tema ng ating pagdiriwang ay “Journeying together and reflecting together on the journey that has been made: Communion, Participation and Mission”.” paanyaya ni Bishop Macaraeg.
Nakatakda ang launching ng National Laity Week sa ika-24 ng Setyembre, 2022 mula alas-syete ng umaga hanggang alas-dos ng hapon sa San Carlos Seminary Complex Guadalupe, Makati City.
Pinangangasiwaan ang event ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity (ECL) na binubuo ng higit sa 50-organisasyon ng Simbahan Katolika sa buong bansa.
Layunin ng taunang paggunita ng National Laity Week ang mabigyan ng malalim na kamalayan ang mga layko sa kanilang misyon bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapatuloy ng ebanghelisasyon at pagsasakatuparan ng kaligtasan na sinimulan ni Hesus para sa sanlibutan.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.