1,297 total views
Isa sa mga natatagong biyaya ng laban ng administrasyon sa droga ay ang lakas ng komunidad.
Isa sa mga pinagmumulan ng mga intelligence reports ng mga galaw ng drug users at traffickers ay ang mga mamamayan sa komunidad. Marami sa kanila ang naniniwala na ang droga ay salot, at sa kanilang maliit na paraan, nagbabahagi sila ng impormasyon na makakabuti sa pamayanan.
Ang civic action ng komunidad ay maari pang malinang at ma-i-pokus upang tunay na mawala ang mga isyung nakakasama sa pamayanan, maliban pa sa droga. Halimbawa, maari nating matulungan pa sila na gumawa ng aksyon na makaka-angat ng kanilang kalusugan, kapaligiran, at kabuhayan.
Isang halimabawa ng programa na makakatulong sa mga pamayanan ay isang proyekto na pinatatakbo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay ang Sustainable Livelihood Program (SLP). Ayon sa DSWD, ito ay isang programa na nagnais na mapalawig ang kaunlaran sa mga komunidad ng bayan kung saan ang mga maralitang pamilya ay maaring magkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng maliit na negosyo (micro-enterprise) o di kaya oportunidad sa trabaho. Ang mga kalahok ay tinutulungan ng DSWD na magbuo ng grupo, magplano ng negosyo, at magmonitor ng operasyon nito.
May mga benipasaryo na ang programa na ito, gaya na lamang ng Marcos Calo SEA-K Association ng Las Nieves, Agusan del Norte. Ang grupo ay nabigyan ng P170,000 seed money ng ahensya na ginamit ng mga miyembro ng organisasyon upang makapagpataguyod ang mga miyembro nito ng iba’t ibang micro-enterprises gaya ng hog raising, pagsasaka, sari-sari store at pagbebenta ng RTW items.
Ang mga ganitong programa ng pamahalaan ay positibo at awe-inspiring, wika nga sa ingles. Pinapakita nito ang mapagkalingang bahagi ng bagong administrasyon na naglalayon na maitaas ang kalidad ng buhay ng mamamayan. Inaangat din nito ang kamalayan ng mga tao ukol sa community empowerment, na isang saangkap tungo sa tunay na kaunlaran ng bayan.
Kapanalig, bagamat ayon nga sa datos ng pamahalaan, 92% ng mga barangay sa ating bayan ay apektado na ng droga, ang mga barangay na ito ay mayroon pa ring mga mamamayan na nagpapakita na maganda pa rin ang buhay at may pag-asa. Ang mga taong ito ay dapat bigyan din ng pansin at tulong. Ang mga programa gaya ng SLP ay dapat mas mabigyan ng atensyon at pondo upang matulungan at ma-empower ang mga komunidad upang sila mismo ang magsimula ng pagbabago sa kanilang pamayanan. Ito ay isa ring paraan ng pagsasabuhay ng respect for life, solidarity at preferential option for the poor, na mahahalagang prinsipyo ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Ayon nga sa Quadragesimo Anno: The function of the rulers of the State is to watch over the community and its parts; but in protecting private individuals in their rights, chief consideration ought to be given to the weak and the poor.