173 total views
Ni Bishop Ambo David ng Kalookan
(July 02, 2017)
Dalawang klase daw ang mga anay: pula at puti. Iyung pula, iyon ang nakikita at kumakain lang ng balat, halimbawa, iyung nakikita sa mga puno ng mangga. Iyung puti, iyon ang mas delikado; Patago kung bumanat; kumakain sa loob ng kahoy hanggang sa ang matira’y balat na lang. Ito ang mas nakakatakot at tunay na salot. Akala mo buo pa ang poste o pamakuan ng bahay, iyon pala parang sitsaron; wala nang laman sa loob at bigla na lang guguho.
Hindi lang mga bahay ang inaanay. Ang lipunan din. Tulad ngayon, nasa ating piling dito sa Navotas, Caloocan at Malabon ang mga mamamatay-tao. Sa loob lang ng tatlong linggo halos tatlumpu ang napatay nila dito lang sa Navotas. Araw araw silang pumapatay. Kung minsan isang grupo kung bumanat, nakabonnet, nakamotorsiklong walang plaka. Palipat-lipat, pero tulad ng anay na puti hindi sila nakikita. HIndi sila nahuhuli ng mga pulis, hindi rin sila nakikita ng mga tanod sa barangay, kahit merong cctv sa bawat kanto. Yung mga simpleng pagnanakaw tulad ng humahablot ng bag sa kalsada, nakikita sa cctv. Pero yung dumudukot at pumapaslang ng mga taong walang kalaban-laban, sa mga bahay-bahay, hindi sila nakikita. Bakit kaya? Invisible ba sila?
Yung mga pinaslang nila, DUI ang tawag sa kanila, “death under investigation “. Gusto ko sanang malaman kung meron na bang naresolba, kahit isa? Madalas ko kasing marinig kahit sa mga police report, “drug suspect killed by unidentified assailants”. Alam daw nilang drug suspect dahil matagal nang nasa drug watch list. Na para bang ibig sabihin, “case closed”. Na para bang ibig sabihin, ok lang na pinatay sila, dahil addict o pusher talaga. Akala ko ang giyera sa droga ay laban sa mga katumbas ng mga drug cartels sa Mexico. Pero meron na bang natukoy na drug cartel dito sa atin kahit isa? Kung giyera ito, sino ang kalaban nila? Bakit mga dukha ordinaryong mga tao ang mga biktima?
Kapag tinatanong ko sa kapulisan kung meron bang nareresolba sa mga kaso, ang sabi nila, wala naman ho kasing nagpafile ng kaso, at walang gustong tumestigo.
Ang mga puso at isip natin, inaanay din. Kinakain ng takot at pangamba. Marami naman talagang nakakakita, pero pabulong sinasabi, baka nga naman kasi madamay pa sila. Baka balikan sila, baka gantihan. Baka ilagay din ang pangalan nila sa drug watch list na ngayon ay naging death list. Baka saktan nila ang pamilya mo, nanay mo, anak mo, kapatid mo. Kaya tatahimik ka na lang.
Tama si Hesus sa sinabi niya sa Ebanghelyo: kung minsan hindi talaga natin mapanindigan ang tama at totoo dahil iniisip natin ang magulang, anak, o kapamilya natin. Tatahimik na lang tayo dahil mas mahal natin ang sariling buhay natin at seguridad.
Pero heto ang babala niya: pag mas mahal daw natin ang sariling kapakanan at buhay natin mas madali itong lapastanganin, nakawin, sirain. (Ang nagmamahal ng buhay niya ang siyang mawawalan nito.) Sa kabilang dako, pag handa nating isantabi ang sariling kapakanan at buhay natin, mas nakikita natin ang saysay nito. (Ang handang mawalan ng buhay niya ang siyang makatatagpo nito.)
Kaya tayo naririto. Huwag nating hahayaang ang mga buhay ng mga taong nilikha ng Diyos na sagrado at banal ay mauwing mga statistics o bilang na lang. Alam ko na ilan sa mga bangkay ng mga pinaslang na nasa mga morgue ay hindi pa rin nakikilala. Walang pangalan kaya sa listahan ng mga biktima, mga bilang lang sila. Narito tayo para bigyan ng mukha at pangalan ang mga biktima, at para makita at makilala din ang mga kapamilya nila. Na katulad lang natin sila, kumakain din ng kanin at ulam, kumakayod din para mabuhay, nadiddepress din at kung minsan nabibiktima ng bisyo dahil ibig tumakas sa katotohanan.
Katulad ni Luzviminda Siapo, na naririto at nakiisa sa ating Misa, siya ang OFW na bumalik galing sa Kuwait, biyudang inang ng biktimang si Raymart Siapo—19 taong gulang, isang kabataang may kapansanan na nakasagutan lang ng kapitbahay ay biglang nalagay sa drug watch list at pinatay kinabukasan. Sabi ni Luzviminda masuwerte pa daw ang nanay niya at anak niyang dalagita na hindi dinatnan ng mga sa bahay si Raymart. Kung inabot daw siya, malamang patay na rin ang nanay niya at isa pang anak na ten years old. Muntik na siyang maubusan ng kapamilya. Kaya minabuti na niyang huwag nang bumalik sa Kuwait, para makasama ang nanay niya at anak na dalagita.
Bakit nasabi niyang masuwerte pa siya? Nabalitaan na rin kasi niya ang mas malagim na pangyayari sa Caloocan city ilang buwan na ang nakakaraan. Mga naka-bonnet din ang dumalaw, sa bahay naman ng Santor Family. Hinahanap daw ang diumano’y drug suspect na si Jay-R Santor. Dahil ayaw sabihin kung nasaan si Jay-R, ang apat na kaibigan na nakatambay sa tapat ng bahay nina Jay-R ang pinagbabaril at pinatay, si Jonel Segovia, kinse anyos, sina Sonny Espinosa at Angelito Soriano na parehong 16 anyos, at si Kenneth Lim, 20 anyos. Hindi pa sila tapos. Ganoon din ang ginawa sa loob ng bahay; minasaker ang buong pamilya: si Cristina Santor, nanay ni Jay-R, si Ednel Santor, kapatid na lalaki ni Jay-R, at si Analyn, buntis na kapatid ni Jay-R. Sa loob lang ng 5 minuto, walo ang napatay nila, kasama na ang sanggol sa tiyan ni Analyn. Pero ang talagang hinahanap nila ay hindi nila natagpuan doon. Nalagay silang lahat sa partial list ng mga casualties ng giyera sa droga. Pero ang description ng kamatayan: “killed by unknown hitmen” (mga hindi kilalang mga mamamatay-tao). Hindi daw nakilala dahil mga naka-bonnet din.
Kaya pala nagpapasalamat na rin si Luzviminda, na at least buhay pa ang nanay at anak niyang dalagita. Pero hindi daw siya matatahimik hangga’t hindi niya makita ang tunay na pagmumukha ng mga pumatay sa anak niya.
Sa aking homilya noong ilibing si Raymart, nasabi ko: “Nais kong ipaabot sa mga pumaslang kay Raymart—kung nakikinig kayo (at madalas ganyan naman ang mga kriminal, bumabalik pa sila at umaali-aligid upang panoorin ang epekto ng kanilang ginawa.)” Sabi ko, “Kung nakikinig kayo, ibig kong malaman ninyo na alam ng Diyos kung sino kayo. Hindi ninyo maitatago sa kanya ang mga mukha ninyo, kahit magbonnet pa kayo. Kilala kayo ng Diyos. Nais kong malaman ninyo na ang pinatay ninyo ay hindi lang si Raymart kundi sarili ninyo, mga kaluluwa ninyo. Habambuhay kayong uusigin . Hindi kayo patatahimikin ng konsensya ninyo.”
Kung narito din sila ngayon at nakikinig, gusto kong antigin ang kanilang mga konsensya, baka sakali, buhay pa. Baka sakali hindi pa lubos na nginatngat ng anay na kumakain ng kaluluwa. Sila ang mas kawawa, kung tutuusin.
Walang makabubuhay sa mga patay na konsensya kundi ang pag-ibig ni Kristo na handang magpatawad kahit pa sa pinakamasahol na krimen. Di ba’t sinabi niya, “Tanggapin ninyong lahat ito at inumin; ito ang kalis ng aking dugo, ng bago at walang haggang tipan, ang aking dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”
Kami rin po Panginoon ay patawarin mo sa aming mga kataksilan at pagwawalang bahala. Iligtas mo po kami sa mga anay na sumisira sa aming lipunan. Salamat sa biyaya ng Eukaristiya, sa biyaya ng patawad at kaligtasan pati sa mga traydor at mga bagong Hudas sa aming bayan, kahit ang maging kapalit pa nito ay buhay mo, katawan at dugo mo, para sa katubusan ng mga kasalanan ng sangkatauhan.
Hesus, hari ng kapayapaan, maawa ka sa amin at sa buong sanlibutan. AMEN.