217 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA/Caritas Philippines) sa publiko na makiisa sa isasagawang pagtitipon sa University of Santo Tomas laban sa pagbabalik ng ‘death penalty’.
Ayon kay Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Father Edu Gariguez, mahalagang makiisa ang sambayanan sa pagtitipon sa UST na bahagi ng ’21-day Lakbay-Buhay march caravan’ laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan na pangungunahan ng mga Obispo ng Simbahang Katolika.
Isang misa rin ang isasagawa para sa pagtitipon na layung tutulan na maibalik ang parusang bitay sa bansa.
Umaasa rin si Fr. Gariguez na magiging buo ang paninindigan ng bawat Katoliko sa pagtataguyod ng kasagraduhan ng buhay.
“… napakalaking pagtitipon sa UST, ito po ay gagawin sa 21 Linggo po ito, dun nalang din po kayo magsimba dahil nanduroon po ang ating mga Obispo sa ngayon po ay si Bishop Pabillo pero iniimbitahan din natin si Cardinal Tagle at ang ating Arsobispo ng CBCP si Archbishop Soc kung sila ay may panahon, at libre kung wala pang mga appointment na sumama doon at ang atin ding mga sambayanan mga Kapanalig, sa lahat ng mga parokya lalo’t higit dito sa Maynila na magsama-sama laban sa Death Penalty…” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Gariguez.
Dagdag pa ng pari, napapanahon na upang magkaisa ang mamamayan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan na walang basehan sa pagpapababa ng kriminalidad sa lipunan.
Nagsimula ang Lakbay-Buhay noong ika–4 ng Mayo sa Cagayan De Oro, na naglalayong pigilan ang pagpasa ng isinusulong ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa Senado.
Pinangungunahan ng 15- Lakbayistas ang Lakbay-Buhay Pilgrimage na layung himukin ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang mga bayan, probinsya at lalawigan na madaraanan na suportahan ang adbokasiya para sa paninindigan sa buhay laban sa isinusulong na Death Penalty Bill sa Mataas na Kapulungan na una nang nakapasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Read:
21 araw na Lakbay-Buhay pilgrimage, suportado ng multi-sectoral group
Lakbay Buhay: pagmumulat, pagbibigkis sa mga Filipino laban sa death penalty